Karla Estrada at Daniel Padilla
BUKOD kay Toni Gonzaga, isa pang Kapamilya TV host-actress na naiintriga at naba-bash ngayon dahil sa politika — ang nanay ni Daniel Padilla na si Karla Estrada.
May mga netizens na nagtatanong kung magkapareho ba ng political stand ang mag-inang Karla at DJ o nananatili pa rin ang paninindigan ng aktor laban sa mga politikong nagpasara sa kanyang mother network, ang ABS-CBN?
Marami ring kumuwestiyon sa loyalty at pagtanaw ng utang na loob ni Karla sa Kapamilya network matapos siyang sumampa at mapanood campaign rally ng presidential at vice-presidential candidate na sina Ferdinand Marcos, Jr. at Sara Duterte-Carpio.
Kumanta doon ang nanay ni Daniel na kumakandidatong third nominee ng Tingog party-list. Ang kasalukuyang representantive nito ay si Yedda Romualdez na isa sa 70 kongresistang bumoto na huwag nang bigyan ng bagong prangkisa ng ABS-CBN.
Nagpaalam na si Karla sa morning talkshow niya sa Kapamilya station na “Magandang Buhay” bago mag-file ng certificate of candidacy noong October, 2021.
At dahil nga rito, ay may mga bashers din ang aktres na nangnenega kay Daniel dahil nga pareho silang konektado sa ABS-CBN pero bakit nagawa ni Karla na umanib sa mga taong naging daan para mag-shutdown ang pinagtatrabahuan nilang network.
Matatandaan na kabilang si Daniel sa mga palabang Kapamilya stars na nanindigan para sa ABS-CBN kasabay ng pangakong hindi nila iiwan ng kanyang girlfriend at ka-loveteam na si Kathryn Bernard ang istasyong pinagkakautangan nila ng loob.
Sa sunud-sunod na hate comments na natatanggap ni Karla ay wala pang inilalabas na pahayag si Daniel. Hindi rin siya nagsasalita tungkol sa pagtakbo ni Karla bilang third nominee ng Tingog party-list at wala rin kaming alam kung may ineendorso o sinusuportahan siyang mga kandidato.
Sa gitna ng usaping ito, may mga netizens naman ang nakakita sa pag-like ni Daniel sa Instagram post ng musikerong si Dong Abay na kilala naman bilang kritiko nina Bongbong at Inday Sara.
Hirit ng netizen sa pag-like ni DJ sa post ni Dong Abay, “Karla Estrada can do whatever she wants. BUT THIS IS SUPREMO @imdanielpadilla.”
May mga nagsabi naman na sana’y nananatili pa rin ang stand ni DJ patungkol sa usaping ito at huwag na huwag daw sanang maimpluwensiyan ng ina ang mga bagay na kanyang pinaninindigan.
Kahapon, Feb. 9, nasalita na si Karla tungkol dito kung saan ipinagdiinan niyang hindi issue sa kanila ni Daniel at ng iba pa niyang anak ang political stand ng bawat isa.
Nag-post ng art card ang aktres kung saan nakasaad na malaya silang suportahan ang sinumang kandidatong napupusuan at nais nilang iboto. Kumbaga, walang pilitan sa kanilang pamilya.
“In our Family, we always practice to respect each one’s opinion, and specially Politcal views.
“Sinisiguro ko na sa aming tahanan pa lang ay buhay na ang mga karapatan ng aming mga boses at pananaw.
“At ang respeto ng mga anak ko, buong pamilya ko at mga taong bukas ang isip malawak ang pag intindi ang Tanging importante sa buhay ko,” ang caption ni Karla sa kanyang post na may hashtag na “#iisanglayuninMAKATULONG.”
Bukas ang BANDERA sa magiging pahayag naman ni Daniel hinggil sa isyung ito.
https://bandera.inquirer.net/304825/barbie-inaming-hiwalay-na-sila-ni-diego-baka-kaya-paulit-ulit-na-nangyayari-ito-kasi-hindi-ko-talaga-minamahal-ang-sarili-ko
https://bandera.inquirer.net/290588/daniel-dominic-nagkaproblema-dahil-sa-isa-pang-anak-ni-karla-estrada