Ping Lacson, Vic Sotto at Tito Sotto
TODO ang ibinibigay na suporta ng veteran TV host-comedian na si Bossing Vic Sotto sa tandem nina Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential bet nitong si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Itinataya ng “Eat Bulaga” host ang kanyang pangalan para sa presidential candidate na si Ping Lacson at sa kapatid niyang si Tito Sen na tumatakbo namang sa pagka-bise presidente.
Sabi ni Bossing, matagal na niyang hinahangaan si Lacson sa integridad, katapangan at malinis na track record nito sa serbisyo publiko sa nakaraang limang dekada.
“Siyempre ang iboboto natin, walang iba kundi ang aking hinahangaang senador, si Senator Ping Lacson,” pahayag ni Vic sa isinagawang proclamation rally ng Lacson-Sotto tandem nitong Martes ng gabi.
“Ako ay hanga sa katapatan nitong taong ito, katapatan sa pagbibigay ng serbisyong publiko. Nakita natin yan sa record niya. At pagdating sa katapangan di mo matatawaran. Kabitenyo, eh.
“Katapangan para labanan ang mga tiwali sa gobyerno, para labanan ang korapsyon sa gobyerno,” ayon pa kay Bossing.
Sabi naman ni Lacson, ang pagsisilbi sa Malacañang ay isang serbisyo sa publiko kung saan ang mga lider ay hindi dapat na ituring naa “master” kundi isang tao na dapat na manilbihan sa taumbayan.
Inendorso rin ni Vic ang kanyang kapatid na si Senate President Sotto na isa sa mga “Dabarkads” sa longest-running noontime show sa bansa, ang “Eat Bulaga!”
“Siya ang makakatulong ng ating Pangulong Ping para ayusin ang gobyerno, ayusin ang buhay nating lahat,” pahayag pa ni Vic.
Matapos ang kanyang speech, itinaas ni “Bossing” ang mga kamay ng Lacson-Sotto tandem bilang simbolo ng pagsuporta.
Samantala, kasama rin sa mga Dabarkads na pumunta sa rally sina Jose Manalo at Wally Bayola, pati na ang basketball superstar na si Marc Pingris.
Siniguro ni Lacson na patuloy na inobserbahan ang mandatory health protocol at physical distancing sa lahat ng mga dumalo sa proclamation rally, alinsunod sa polisiya niya para sa isang disiplinadong pangangampanya.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin muli ni Lacson ang kanyang pangako na “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at ang pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyerno (Uubusin ang Magnanakaw).
Panawagan din ni Lacson sa taumbayan na maging matalino at mapanuri sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa, sa halip na magluklok ng magnanakaw sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Pangako rin ng presidential aspirant sa kanyang mga kapwa Caviteño na mamumuno siya nang may disiplina at katapatan sa kanyang tungkulin.
“Ako po ay humaharap sa inyo bilang isang kababayan, lehitimong taga-Imus, lehitimong taga-Cavite. Kapag ako pinagpala na maglingkod, hinding hindi ko kayo ipapahiya. Hinding hindi ko kayo bibiguin!” dagdag pang pahayag ni Lacson.
https://bandera.inquirer.net/304192/iwa-moto-kinontra-si-vp-leni-naglabas-ng-ebidensiya-para-idepensa-si-lacson
https://bandera.inquirer.net/305230/bayaran-sa-talent-fee-ng-celebrity-tuwing-eleksiyon-aabot-sa-p100-m-may-mga-artistang-naniningil-ng-p1-m-per-akyat