Mahulaan n’yo kaya kung sinu-sino sila?
SIMULA na ang campaign period para sa presidential elections na magaganap sa darating na May 9, 2022.
At tulad ng mga nakaraang eleksiyon, inaasahan na ang pagdalo at pagpe-perform ng mga celebrities sa mga campaign rally at pag-iikot ng mga kandidato sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Karaniwang kinukuha ng mga politiko ang serbisyo ng mga artista, singer at sikat na performers para magbigay ng entertainment sa pangangampanya at makapaghakot ng tao sa pupuntahan nilang mga lugar.
Pero siguradong magbabago nang bahagya ang sitwasyon at mga kaganapan ngayong Eleksyon 2022 dahil nga sa ipinatutupad na health protocols dulot pa rin ng banta ng pandemya.
Sa mga naganap na proclamation rally ng mga kumakandidatong presidente, bise presidente at mga senador kahapon, nakita ng publiko ang lantarang pagsuporta at pakikiisa sa kanila ng ilang kilalang celebrites.
May mga nagsasabi na libre lang o walang bayad ang pag-eendorso nila sa mga kandidatong sinusuportahan nila dahil naniniwala sila sa mga ipinaglalaban ng mga ito.
Pero may mga nakausap naman kaming source na konektado sa politika at entertainment industry tungkol sa talent fee ng ilang kilalang artista at performers na sumasalang sa mga campaign rally.
Ayon sa isang source na nakausap namin (political strategist), aabot sa P100 million ang pinakamataas na talent fee na ibinabayad sa isang super sikat na celebrity.
Paliwanag niya sa amin, ito na ang kabuuang bayad na tatanggapin ng artista sa buong campaign period, kabilang na riyan ang mga out-of-town trips at mga commercial sa iba’t ibang platforms.
Ang karaniwang proseso ng bayaran ay downpayment ng kalahating halaga at ang kalahati naman ay depende na sa magiging usapan ng dalawang kampo.
Kapag kinuha naman daw ang serbisyo ng isang kilalang actor-singer at TV host, aabot sa P80 million package deal ang singil ng kanyang management. Pero negotiable pa raw ito kaya posible pang bumaba.
Ayon pa sa ating source, nasa P75 million naman ang talent fee para sa level ng isang award-winning female star na umaakting na, sumasayaw pa at marunong pang kumanta — kumbaga all-around ang kanyang peg.
Nasa P60 million naman ang kalibre ng sikat na aktres na napapanood sa telebisyon at pelikula habang umaabot naman sa P25 hanggang P35 million ang sinisingil na talent fee ng ilang sikat na youngstars.
May tinatawag din daw “3rd class” stars na nasa P3 million hanggang P5 million ang TF at “all in” na raw ito. Meaning kasama na lahat diyan — appearance, sing, dance, TV ads, radio at socmed.
Isa pang source ang nakausap namin tungkol dito, aniya, isang kilalang dance group ang naningil ng P200,000 para sa isang sayaw lang habang P150,000 ang ibinayad sa isang hunk actor kapalit ng dalawang kanta at P250,000 naman ang TF ng isang baguhang singer for two songs din.
Sabi ng source, wala pa raw pandemya noon kaya baka raw mas mahal na ang singilan ngayon.
Dagdag pa niya, may mga celebrities naman na “per akyat” ang bayad, kaya kung P1 million ang TF ng sasalang sa stage at naka-10 performance siya sa isang araw, kikita siya ng P10 million a day.
https://bandera.inquirer.net/303098/aktres-na-mahal-ang-talent-fee-mas-type-ng-producer-kesa-sa-female-star-na-mababa-ang-tf-pero-super-arte
https://bandera.inquirer.net/295366/campaign-color-ng-ama-ni-ella-cruz-walang-konek-kay-vp-leni-farm-hunting-ni-xian-napurnada