Bagong kontrata ng ‘Wowowin’ sa GMA handa na, pero si Willie ang hindi pumirma, bakit nga kaya?

Willie Revillame at Manny Villar

BIGLANG nabago ang desisyon ni Willie Revillame na mag-renew ng kontrata sa GMA 7 dahil sa pag-uusap nila ni dating Sen. Manny Villar kasama ang anak na si Congw. Camille Villar.

Dinalaw pa raw nila ang TV host sa bahay nito sa Tagaytay City noong nakaraang Linggo para personal silang magkausap-usap.

Nang isulat namin dito sa BANDERA na hindi iiwan ni Willie ang GMA 7 ay base iyon sa sinabi ng taong malapit at pinagkakatiwalaan niyang si Nanay Cristy Fermin dahil kakapirma lang daw nito ng panibagong kontrata noong Nobyembre, 2021.

Ang sinasabing kontrata na may petsang Nobyembre, 2021 ay draft contract na matagal nang naka-prepare para pipirmahan na lang ng “Wowowin: Tutok to Win” host sa Pe. 15, 2022 bilang panibagong kontrata.

Bukod dito ay inanunsyo rin ni Willie noong mismong kaarawan niya, Enero 27 na hindi niya iiwan ang GMA kaya abut-abot ang pasasalamant ng mga executives ng Kapuso network.

Pero nabago ang ihip ng hangin, sinong mag-aakala na pagkalipas ng siyam na araw ay nag-anunsyo na ang GMA na hanggang Peb. 11 na lang ang “Wowowin” at kasabay ng pagwi-wish ng goodluck sa future plans nito.

Tulad ng follow-up article namin dito sa BANDERA kahapon ay walang alam si ‘Nay Cristy sa pagbabago ng plano ni Willie.  At kanina sa kanyang online show na “Cristy Ferminute” ay isa-isang ipinaliwanag nito ang buong pag-uusap nila ng TV host.

“Enero pa lang po ay talagang pipirma na siya ng kontrata sa GMA 7, nu’ng mga ilang araw ang nakararaan may tumawag na isang TV executive sa kanya ang sabi, ‘Willie pirmahan mo na ‘yung contract.’ Ang sabi ni Willie, ‘sige-sige.’

Sabi pa raw ng TV executive, “‘Ngayon kung ayaw mo ng may TV coverage, sige ipadadala ko na lang diyan ang contact (sa bahay ni Willie) pirmahan mo na at ipabalik mo na lang sa amin na pirmado na.’

“Alam n’yo po mga Kapatid, hindi po natin hawak ang bukas. Hindi po natin alam kung ano ang magiging takbo ng panahon. At hindi rin po natin alam kung ano ang mga naging desisyon ni Willie ng mga araw na ‘yun.

“Hanggang sa kinausap rin niya ang ehekutibo ng GMA 7 at sinabi niya, ‘hindi po muna ako pipirma ng renewal contract.’”

Sabi pa ni Nanay Cristy, “Nagulat ‘yung kausap niyang ehekutibo, sabi, ‘bakit anong nangyari?’

Sagot daw ni Willie, “‘Sa loob po ng anim na taon at walong buwan, hindi po ako nagkaroon ng kahit kaunting pahinga.’”

At isa-isang binanggit ni ‘Nay Cristy na hindi nga nakapagpahinga an host simula noong nagkaroon ng COVID-19 pandemic (2020) dahil nagawa niyang mag-show sa Mindoro dahil zero ang kaso ng COVID doon para tuluy-tuloy ang pagtulong niya dahil nag-lockdown ang buong bansa.

Nakiusap din si Willie sa mga taga-gobyerno na tulungan silang makalipat sa Will Tower para dire-diretso na at mas malapit na rin, ang kaso tumaas ulit ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kaya nagpalipat na ulit sila sa Clark, Angeles at ilang buwan ding sikang nanatili roon.

At nang umokey na ang COVID-19 case sa Metro Manila ay bumalik na ulit siya pero nang muling tumaas ay lumipat na siya sa Iruhin, Tagaytay kung saan siya nakatira hanggang noong Biyernes.

“Siya lang po ang TV host na hindi nagpahinga, araw-araw po siyang nagpapaligaya sa ating mga kababayan at nagbibigay ng ayuda dahil tunay namang kailangan ng mga kababayan nating nawalan ng trabaho,” sabi pa ni ‘Nay Cristy.

Binanggit din ang pagpunta ni Willie sa mga probinsyang pinadapa ng bagyong Odette para mamahagi ng tulong. Ang mga dahilang ito ang ikinatwiran ni Willie sa kausap niyang GMA executive para hindi na siya magre-renew ng kontrata.

Nabanggit ni Nanay Cristy ang kumalat na balita na nakarating din sa amin na hindi ini-renew si Willie ng GMA, “Nobyembre pa lang po nakabalangkas na ang pipirmahan niyang kontrata pero si Willie po ang hindi pumirma,” paglilinaw ng batikang manunulat at online host.

Dagdag pa, “Hindi po itinatago ni Willie na kinakausap siya ng pamilya Villar, in fact nu’ng January 22 nagpunta pa po si Senator Manny Villar at si Camille sa kanyang bahay sa Tagaytay dahil kung ikinakaila po ‘yan dapat hindi inilabas ang mga retrato.

“Heto na, ang daming nagsasabi na kaya raw nagpunta roon ang mag-ama ay para sa frequency ng ABS-CBN na nakuha ng Advance Media Broadcasting System (pag-aari ng mga Villar).

“Kung utang na loob po ang pag-uusapan, malaki po ang utang na loob na tinatanaw ni Willie Revillame sa GMA 7, unang-una naging napakabuti po sa kanya ng Kapuso network.  

“Wala po siyang masasabi sa lahat ng ehekutibo lalung-lalo na po kay (Atty.) Felipe L. Gozon na lahat po ng kailangan ng programa ay hindi sila nagdadalawang-salita na ibigay kay Willie. Todo po ang pasasalamat ni Willie sa istasyon.

“Sumulat po siya kay Mr. Gozon, siya po ang nagbalangkas ng sulat ng pasasalamat (bilang) respeto, hindi po ang kanyang mga abogado. Sana nga po ay mabasa rin natin ang sulat na iyon para po maintindihan natin at napakaganda po ng kanilang paghihiwalay walang samaan ng loob, walang nagagalit kahit kanino,” sabi pa ng veteran host.

Isang linggo pang eere ang “Wowowin” sa GMA 7 para may panahon pa para makapagpaalam si Willie sa kanyang mga tagasuporta at sa huling araw ng programa, Peb. 11, Biyernes ay magbibigay ng kanyang official statement si Willie.

Tungkol sa tsikang sinulot si Willie ng Villar family ay ito naman ang kuwento ni ‘Nay Cristy, “Sa mga nagtatanong po kung sinulot si Willie ng Villar family para po maging tagapamuno kapag sila ay nagsimula dito sa nabili nilang frequency.

“Alam n’yo po utang na loob niya sa GMA 7 (ay) malaki pero gusto ko pong itawid sa inyo na business partner po ng mga Villar si Willie Revillame.

“Sa lahat po ng kanyang mga proyekto, ang mag-asawang Villar po ang sumusuporta sa kanya, si Senator Manny Villar, Senator Cynthia Villar at buong pamilya na kapag tinawagan niya, ‘Ma’am Cynthia puwede po ba tayong magbigay ng tatlong bahay bilang papremyo sa programa ko?’  Walang sabi-sabi, isang salita lang ni Willie, nandoon na,” pahayag ni Nay Cristy.

Dagdag pa, “Utang na loob po niya sa GMA ang kanyang pagbabalik sa telebisyon after ng TV5 pero napakalaki rin po ng utang na loob na tinatanaw ni Willie Revillame sa pamilya Villar. Ito po ‘yung puwede nating sabihin na sa pagbagsak at sa pagbangon, sa meron at sa wala, sa tag-ulan at sa tag-araw.  Sila po talaga ay hindi pinaghiwalay ng panahon.”

Sabi pa ni Nay Cristy, hindi maganda ang pakiramdam ngayon ni Willie dahil kapag naglalakad daw siya ay naiiwan ang isang paa niya na ang ibig sabihin ay, “Malungkot, masakit, napakahirap ng kanyang sitwasyon.”

Pero kung sakaling si Willie ang pahahawakin o magiging malaking bahagi siya sa istasyong bubuksan ng mga Villar ay wala po siyang pananagutan kahit kanino.

https://bandera.inquirer.net/304950/true-ba-hindi-na-ni-renew-ng-gma-ang-kontrata-ng-wowowin-kaya-lilipat-na-sa-tv-network-ni-villar

https://bandera.inquirer.net/288756/willie-sa-paglipat-nina-bea-john-lloyd-at-pokwang-sa-gma-pabayaan-natin-kung-saan-sila-masaya
https://bandera.inquirer.net/291406/kris-nang-matapos-ang-kontrata-sa-gma-sige-kahit-babaan-nyo-na-ang-tf-ko-kahit-magkano-lang-po

Read more...