Willie Revillame
FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BANDERA na hindi iiwan ni Willie Revillame ang GMA 7 dahil ayon mismo kay Nanay Cristy Fermin na malapit sa “Wowowin” host ay kakapirma lang nito ng kontrata noong Nobyembre, 2021.
Lumutang kasi ang tsikang iiwan na ni Willie ang Kapuso network kung saan co-producer siya sa programang “Wowowin: Tutok to Win.”
Nakapalitan namin ng mensahe si ‘Nay Cristy ng 1:36 p.m. kahapon at nabanggit pa na babalik na sa GMA studio sina Willie bukas, Lunes dahil nagpaalam nga na huling araw na nila sa Tagaytay City noong Biyernes.
Ibinaba na kasi sa Alert Level 2 ng IATF ang Metro Manila dahil bumaba na uli ang COVID-19 cases.
Nagulat kami dahil pasado alas-dos ng hapon nitong Sabado ay naglabas ng official statement ang GMA na huling airing na ng “Wowowin” sa Peb. 11, Biyernes.
Ayon sa statement ng GMA 7, “Willie Revillame’s contract with GMA Network is set to end on the 15th of this month. His show Wowowin will air until Friday, February 11.
“We wish him goodluck in his future endeavors.”
Kaagad naming binalikan si ‘Nay Cristy para tanungin kung anong nangyari pero hindi kami sinasagot. Nakadalawang padala kami ng mensahe. Ilang oras ang nakalipas ay sumagot din sa amin ang TV host at batikang entertainment columnist at isa sa mga taong pinagkakatiwalaan ni Willie.
“Kanina ko lang nalaman. Hay, kalungkot. Tingnan natin kung ano ang kahihinatnan nito,” sabi ng host ng “Cristy Ferminute” at “Take it Per Minute Me Ganu’n?”
Samantala, nalaman namin sa isang source na ang GMA 7 mismo ang hindi na nag-renew ng kontrata ni Willie kahit gusto pa nito. Oktubre, 2021 pa lang daw ay naghahanap na ang pamunuan ng Kapuso network ng programang ipapalit nila sa timeslot ng “Wowowin: Tutok to Win.”
Tinanong din namin kung hindi ba kumikita at nagri-rate ang show, “Kumikita naman, sino ang nakikinabang?” ang makahulugang sagot sa amin.
At kami na raw bahalang mag-imbestiga kung bakit hindi ni-renew ng Siyete si Kuya Wil.
At abangan na lang namin ang statement ni Willie bukas sa programa niya tungkol sa isyung ito at sana’y klaruhin din niya ang kumalat na balitang sasama na siya sa Advanced Media Broadcasting Systems na pag-aari ni dating Sen. Manny Villar. Sa kanya iginawad ng NTC ang frequency (channel 2) ng ABS-CBN.
Nataon namang nakitang magkakasama sina Willie, Ginoong Villar at anak nitong si Congw. Camille Villar sa Tagaytay City na mula sa ipinost ni Anna Feliciano sa social media na choreographer ng “Wowowin.”
Ni-repost din ni Anna ang statement ng GMA at ang caption niya ay, “When something ends, something starts. Sana hindi nyo kami iwan.”
At bago namin matapos ang balitang ay sinabihan kaming, “Abangan mo ang last week episode ng Wowowin.”
https://bandera.inquirer.net/283849/willie-umaming-nalugi-ng-p140-m-dahil-sa-wowowin
https://bandera.inquirer.net/304365/vhong-isa-sa-mga-artistang-natulungan-ni-willie-lamang-loob-ng-manok-ang-handa-sa-birthday
https://bandera.inquirer.net/294906/willie-atras-na-sa-2022-hindi-ko-pa-kayang-gumawa-ng-batas-baka-sayang-lang-ang-boto-nyo-sa-akin