Jodi Sta. Maria
NAGING suki rin noon ang Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria sa mga go-see at pa-audition sa kagustuhang makapasok at makaraket sa mga TV commercial.
Pagbabalik-tanaw ng single mother, hindi rin naging madali sa kanya ang pagpasok sa entertainment industry dahil sa pinagdaanan niyang mga pagsubok.
Inamin ni Jodi na talagang likas sa kanya ang pagiging mahiyain noon pero gustung-gusto raw niyang mag-perform sa harap ng maraming tao dahil iba rin yung feeling na nakikita niyang may napapasaya siya.
“Ano lang ako, typical school girl na mahiyain. Pero sobrang love ko ang pagpe-perform. And then pagdating ko ng high school, we were just having lunch, me and my friends.
“Tapos may lumapit sa aming talent scout. Nagbigay siya ng card, mag-audition daw kami,” kuwento ni Jodi sa panayam ni Karen Davila na mapapanood sa kanyang bagong vlog.
Nag-try at nagtiyaga raw ang aktres na pumila sa mga go-see at audition para sa mga TV commercials pero naging mailap sa kanya ang swerte.
“Pumunta kami ng go-see for commercials. So pumupunta kami nang pumupunta pero wala talaga kaming project na nakukuha.
“Kasi I think napaka-specific ng hinahanap nila for a commercial, hind ba? And then I said, ‘Okay na ako, at least natry ko, baka hindi ako para diyan,’” chika ni Jodi.
Hanggang sa yayain siya uli ng nakausap niyang talent scout na mag-audition sa Star Magic na noo’y naghahanap ng mga bagong ibi-build up na talents ng ABS-CBN.
“And then tumawag na naman siya (talent scout) sabi niya na may pa-audition ang ABS-CBN looking for people to audition for the new batch of Star Circle 7.
“I’m like, ‘Sige try ko.’ Nagpunta kami doon, nag-bus kami. Pagdating doon, ‘Oh my gosh ito na ‘yung ABS-CBN!’ Ito pala itsura niya!
“Pero noong time na ‘yun, kung hindi man ako matanggap, okay lang. Ang gusto ko lang makakita man lang ako ng artista,” sey pa ng aktres.
At knows n’yo ba na ang pinakamalaking talent fee na tinatanggap ni Jodi noong panahong yun bilang artista ay P1,500?
“Nagtiyaga…kasi nu’ng time na ‘yun kasi I remember ang pinakaunang talent fee ko is 1,500 pesos. Before, kapag pupunta ka ng shoot, bitbit mo lahat.
“Bibigyan ka nila ng requirements. So, kami ni Mama, kung ano lang ang mayroon dito, kasi wala naman kami maraming clothes, eh.
“Kasi let’s say sumuweldo si Mama, ‘Oh ito lang ang budget natin. Oh ito lang ang bibilhin natin. Oh hindi pa sira ang sapatos so hindi kailangan bumili ng bago,’” dagdag pa niyang kuwento.
Naibahagi rin ni Jodi ang naging buhay ng kanyang pamilya noong estudyante pa lamang siya. Nagbebenta raw siya ng popcorn sa school noong bata pa siya.
“We were raised singlehandedly by my mom pero my Lola has always been there na naging supportive kay Mama. So, it was just me, my Kuya, my Lola, and my mom.
“Tapos doon sa pagiging raketera sa school, nagbebenta kami ng popcorn. Kasi du’n namin kinukuha ‘yung pangbaon namin.
“So, mga 4 a.m. gigising si Mama, gagawa siya ng parang butter, ng brown sugar, tapos may candle para pang-close ng plastic tapos ibebenta namin per pack ng 20 pesos,” patuloy pang pagbabalik-tanaw ni Jodi.
Pero aniya, bigla na lang natigil ang pagbebenta nila ng popcorn sa school dahil sa utos na rin ng management ng kanilang paaralan.
“One day, pinatigil ‘yung amin, yung small business namin kasi nakakakumptensiya na raw namin ‘yung canteen sa school,” chika pa ng lead stars ng Kapamilya series na “The Broken Marriage Vow.”
Naikuwento rin ni Jodi sa vlog ni Karen ang mga pinagdaanan niya matapos ang kanyang married life at kung gaano kahirap ang maging isang single mother.
https://bandera.inquirer.net/303073/jodi-inatake-ng-psychological-sepanx-after-ng-lock-in-taping-sa-baguio-nasa-real-world-na-ba-ako
https://bandera.inquirer.net/303030/jodi-mas-pipiliin-ang-magpatawad-kesa-maghiganti-kapag-niloko-ng-asawa-its-for-your-own-peace
https://bandera.inquirer.net/295043/bakit-hindi-natatanggap-noon-sa-mga-tv-commercial-si-ryan-agoncillo