Magbabalik sa sunod na buwan ang Filbasket, isa sa mga pinakamainit na liga ng basketbol sa Pilipinas ngayon, ayon sa founder at commissioner ng liga, Jai Reyes.
“Mayroong 12 teams na nagkumpirma para sa pangalawang Filbasket competition na isasagawa mula Marso hanggang Mayo,” ayon sa dating manlalaro ng Ateneo Blue Eagles.
“Magiging mas malaki at mas mainam itong tournament at hindi kami makapaghintay na mag tip off na,” sabi ni Reyes. March 15 ang target na unang mga laro.
Iiwan na ng Filbasket ang pagiging amateur na liga at magiging propesyonal na sa suporta at pagbasbas ng Games and Amusement Board (GAB).
Mag-uuwi ng P1 million premyo ang mananalong kuponan. Ito ay insentibo para itodo ng mga manlalaro ang kanilang galing sa bawat laro.
Ang naunang Filbasket Subic Championship ay nilahukan ng 11 teams at natapos nuong Nobyembre na pinagkampyonan ng AICC Manila matapos nitong talunin ang San Juan Knights-Go for Gold sa best of three series.
Ipinalabas ang mga laro sa pag-stream sa Facebook at YouTube at napanood ng madaming Pinoy basketball fans. Inere ng Solar Sports ang liga sa TV at muling kasali sa pagbalik ng liga.
Nakikita ni Reyes na magkakaroon ng isang round-robin na format para sa 12 teams sa summer tournament sa Marso. Walong team ang papasok sa quarterfinals patungo sa best-of-three na finals series.
Ginawa ang 2021 tournament sa bubble sa Subic Bay Gym ngunit ngayong bumubuti na ang sitwasyon sa COVID ay maari nang ilunsad ang liga na hindi na sa bubble na may prayoridad sa kaligtasan.
“Lagi kaming magsasagawa ng tests at susundin ang mahigpit na protocol sa kumpetisyon para masigurado ang kalusugan at kaligtasan ng mga player, coaches, staff at opisyal,” sabi ni Reyes.
Wala pang pinal na mga venue para sa mga laro ngunit ayon kay Reyes ay gagawin ito sa mga arena sa loob at labas ng Metro Manila.
Nilalayon ng Filbasket na maging pinakamahusay na developmental na liga ng basketbol sa bansa. Para sa karagdagang impormasyon pumunta lamang sa facebook.com/filbasketph.