Sang-ayon tayo sa pananaw ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon, na magre-retiro ngayong araw (February 2), na disqualified ang dating senador Ferdinand Marcos Jr. na tumakbo sa pagkapangulo sa darating na national election sa May 9, 2022.
Maganda ang pagkasulat sa “separate opinion” ng palabang commissioner. Direkta, klaro at may legal na batayan. Pero ang “separate opinion” ni Guanzon ay hindi maaaring mabilang, masama, o makonsidera bilang parte ng decision na ilalabas ng 1st Division ng COMELEC sa Marcos disqualification cases sa mga susunod na araw. Simple ang dahilan. Hindi maituturing isang official na seperate opinion ito sa nasabing kaso.
Ang “separate opinion” ay hindi maituturing isang official na separate opinion sa mga disqualification cases ni Marcos maski ito pa ay ginawa at inilabas bago mag-retiro si Guanzon sa dahilang wala namang decision na naipalabas o na-promulgate bago mag-retiro ito. Sa madaling salita, kung walang decision, walang seperate opinion. At dahil retirado na si Guanzon, hindi maisasama ang kanyang ginawang “seperate opinion” at wala ng saysay ito kung magpapalabas na ng decision ang 1st Division. Tanging ang opinion at decision na lang ng dalawang natitirang commissioners ng 1st Division ang mahalaga at magiging batayan sa pagresolba ng mga disqualification cases laban kay Marcos.
Hindi na tayo makikihalo sa pagtatalo ng iba at hahayaan na lang nating kayo ang magsabi at humusga kung tama ba ang mga ginawa ni Guanzon ng ilabas nito sa publiko ang kanyang “separate opinion” sa disqualification cases ni Marcos, ng pangalanan nito ang ponente o susulat ng decision sa publiko at iba pa. Walang dudang matalinong tao si Guanzon at alam nito ang kanyang ginagawa pati na ang kahihinatnan (consequences) ng kanyang ginawa at mukha namang handa ito rito. Nakikiisa naman tayo sa pananaw ng marami na may karapatan ang taong-bayan na malaman ang katotohanan kung bakit hindi nailabas agad ang decision bago magretiro ngayon si Guanzon. Sa parteng ito, panalo si Guanzon. Dahil sa kanya nalaman ngayon ng taong-bayan ang nangyayari sa COMELEC.
Marami pang sinabi at binulgar ang matapang na commissioner tungkol sa disqualification cases ni Marcos ngunit isang bagay ang tunay na nakakuha ng ating pansin. Ayon kay Guanzon, may nakialam na isang senador kaya hindi nagawa at nailabas agad ang decision sa Marcos disqualification cases. Ang layunin ayon sa commissioner ay hintaying magretiro ito ngayon ( February 2 ) bago gawin at ilabas ang decision para hindi na masama ang boto o dissenting opinion o separate opinion nito. Magandang ngang strategy at plano para mawala sa eksena ang commissioner na tinatayang boboto laban kay Marcos. Ito ay isang klarong grand conspiracy para matiyak manalo ang dating senador sa disqualification cases nito sa COMELEC, ito ay kung totoo nga ang mga bintang at sinabi ni Guanzon.
Ito ay seryosong akusasyon laban sa isang senador at commissioner ng COMELEC. Isang akusasyon na maaaring makaapekto sa kredibilidad mismo ng buong COMELEC. Isang tunay at malawakang imbestigasyon ang dapat isagawa ng COMELEC tungkol dito para malaman ang katotohanan at upang masalba ang kredibilidad ng institution bago tuluyang mawalan ng tiwala ang taong-bayan dito. Parusahan ang nagkasala, kung mayroon man. Makikita naman sa sulat ng ponenteng commissioner sa Chairman ng COMELEC ang dahilan nito kung bakit hindi agad nagawa ang decision pati na ang kontra akusasyon nito kay Guanzon. Kayo na ang mag-isip kung sino sa dalawang nag-aaway na commissioners ang tama.
Habang isinusulat natin ang artikulong ito, hindi pa pinapangalanan ng commissioner ang pakialamerong senador. Isa tayo sa maraming sumisigaw ngayon na sabihin nito sa taong-bayan kung sino ang senador na binabanggit nito. Kung hindi kayang sabihin sa atin ni Guanzon kung sino ang senador siguro ang pinuno ng Senado na si Senate President Tito Sotto ay may sapat na tapang upang sabihin sa taong-bayan kung sino ang senador na ayon kay Guanzon ay nakialam sa disqualification cases ni Marcos sa COMELEC (1st Division).
Kung totoo nga ang mga sinasabi at bintang ni Guanzon, walang lugar sa Senado ang ganitong klaseng senador. Ibato sa kulungan ang Senador kung mapapatunayang nagkasala ito. Patalsikin ito sa Senado. May kapangyarihang patalsikin o suspendihin ng Senado ang sinumang miyembro nito na nagkasala ng disorderly behavior sa pamamagitan ng 2/3 votes ng lahat ng senador. Walang duda na ang pakikialam sa Marcos disqualification cases sa COMELEC ng isang senador, maging sino man ito, ay maituturing na isang disorderly behavior.
Ang nangyayaring kaguluhan ngayon sa COMELEC ay hindi nakakabuti sa kandidatura ni Marcos. Totoo o hindi ang bintang, talo si Marcos dito dahil binabanggit at inuugnay ang kampo nito sa usaping ito. Tiyak na kakaladkarin nitong pababa ang kandidatura ng anak ng dating diktador.