Shayne Sava 2 beses nang tinamaan ng COVID-19: Matindi yung una, pero ngayon hindi na ganu’n kagrabe

Shayne Sava

KUNG hindi pa siya nabakunahan kontra COVID-19 siguradong mas malala ang naranasan ni Shayne Sava nang tamaan muli ng virus ilang linggo na ngayon ang nakalilipas.

Ibinalita ng Kapuso youngstar at “StarStruck Season 7” Ultimate Female Survivor na dalawang beses na siyang nakipaglaban sa COVID-19 at nagpapasalamat siya sa Diyos dahil naka-recover uli siya mula sa virus.

Sa ulat ng GMA Network, sinabi ni Shayne na magkaibang-magkaiba ang naging karanasan niya noon sa COVID-19 kesa sa ikalawa niyang pagkakaroon nito.

Noong una raw siyang tamaan nito ay hindi pa siya nababakunahan at ang ikalawa naman ay pagkatapos niyang magpa-vaccine kontra COVID-19.

Pahayag ni Shayne, “For me, being vaccinated is really a big factor po talaga. Pangalawang beses ko na nagkaroon ng COVID and ‘yung unang-una is wala pa akong vaccine.”

Aniya, mas matindi ang na-experience niya sa unang beses na pagkakaroon ng nakahahawang sakit, “Sobrang hirap nu’n because nawalan talaga ako ng panlasa, pang-amoy, nilagnat, inubo, sinipon. 

“While this time around po na may vaccine na ako, hindi na gaano ka-grabe yung nangyari.

“The only thing na naramdaman ko is mabigat ang pakiramdam and makati na lalamunan. Thank God po, kasi ganu’n din sa family ko,” paliwanag ng dalaga.


Sabi pa ni Shayne, kung hindi pa raw siya bakunado ay baka mas malala pa ang nangyari sa kanya sa ikalawang pagkakasakit.

“That’s why vaccines are very important. Not only it can protect you, but it also can protect the people around you,” aniya pa. Okay na rin daw ngayon ang kanyang pamilya.

Samantala, nagpasalamat din si Shayne sa kapwa StarStruck graduate na si Abdul Raman na isa sa mga nakaalala sa kanya habang nagpapagaling. Nagpadala raw ito sa kanya ng prutas.

“I am okay now. Thank you, Lord. Well, ‘yung fruits din talaga na binigay sakin ni Abdul helped me a lot po,” sabi ng Kapuso young actress.

Read more...