Ako’y talaga pong nahihilo na sa mga “data” na lumalabas sa Department of Health at maging sa OCTA research. Pareho namang kumukuha ng numero ang dalawang ito sa nag-iisang “DOH DATA DROP”, pero nagiging langit at lupa ang kanilang announcement sa taumbayan.
Ang sabi ng OCTA, pagdating daw ng “Valentine’s day” ay bababa sa “below 500” ang mg “daily cases” sa Metro Manila. Ang basehan ay ang bumubulusok na “reproduction number” na 0.71. Bumaba din ang “seven day positivity rate sa NCR mula 36 percent sa 24 percent. Mula noong January 19-25, bumaba na sa 6,280 ang mga bagong kaso rito kumpara sa 15,782 ng sinundang linggo. Nito lamang Lunes, patuloy ang pagbaba sa NCR na merong 4,018 new cases, Martes-2,751, Miyerkules- 2,455 at Huwebes-2,270. Kaya naman inaasahan ng OCTA na bababa na ang classification ng NCR mula severe, high risk ngayon at sa inaasahang “moderate risk” sa susunod na linggo.
Pero iba naman ang sinasabi ng taga-loob ng DOH , ang FASSTER (Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler) na isang “web application” na gumagawa ng mga “disease models” gamit ang isang “spatio-temporal map” batay sa nakukuha nilang “syndromic surveilalance ng mg COVID-19 cases.
Sinabi ni Elvira De Lara-Tupio ng FASSTER , na sa January 31 o sa Lunes, papalo sa 124,067 cases ng COVID-19 dito sa Metro Manila. At pagdating ng February 2, ang active cases dito ay magiging 91,949.
Nito raw Lunes, January 24, ang mga “active cases” sa NCR ay nasa 72,392. Sa madaling salita, sinasabi ng DOH-FASSTER na sa halip na bumaba, tumataas pa ang mga kaso dito sa Metro Manila. Suma total, madadagdagan pa ng 51,375 active cases, ang mga numero nitong Lunes, January 26 hanggang sa katapusan January 31.
Kaya nga ako’y nalilito na talaga. Sinasabi ng OCTA na pababa na ang bilang ng COVID-19 dito sa NCR, pero sinasabi pa naman ng DOH-FASSTER na tataas pa ito hanggang sa katapusan tuloy hanggang Pebrero.
Naalala ko tuloy ang sinabi ni DOH Sec. Francisco Duque nitong Lunes din na lumipas na ang “peak” o pinakamataas na pagkalat ng Omicron dito sa Metro Manila. Sabi pa niya, ‘Nakikita nating ilang araw nang sunud-sunod na bumababa ang kaso sa NCR at lumiliit ang porsyentong inaambag nito sa total caseload”.
Pero, bakit iba ang sinasabi ng DOH FASSTER? Sa halip na kumonti rin ang “active cases” dito sa NCR tulad ng sinasabi ni DOH sec. Duque, bakit ang projection ng FASSTER ay madadagdagan pa ito ng higit 51,000?
Nag-iingat naman si DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire sa pagsasabing mahirap maniguro dahil wala pang “complete picture” dahi di kasama iyong nagpositibo sa antigen testing, pati na rin iyong nagkasintomas na pero, ayaw magpa-testing.
At dahil sa magkakaibang pananaw ng ating mga “health experts” at health officials, ano ang magiging kaisipan ng taumbayan, lalo na ang mga LGU officials na sumusunod sa bawat deklarasyon nila?
Ano ba talaga ang nangyayari ? Pataas pa ba tulad ng projection ng FASSTER? O pababa na tulad ng projection ng OCTA research? Lumampas na ba tayo sa “peak” o hindi pa? Sino ang magbibigay sa atin ng kompletong litrato ng COVID-19 dito sa NCR, kung ganitong iba-iba ang sinasabi ninyo?
Sa totoo lang, ang “data” at “projection ng DOH-FASSTER ang opisyal na ginagamit ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF). Ang OCTA Research naman ay isang volunteer group na nagsasagawa ng analyses sa mga opisyal na “data” galing sa DOH.
Pareho silang “data-driven” at “science based” tulad ng paulit-ulit na sinasabi ng mga epal na “presidentiables”. Pero, sino sa kanila ang paniniwalaan natin ganitong magkakaiba ang kanilang sinasabi? Meron ba sa kanilang nagsisinungaling at nanlilito lamang ng tao?
Pwedeng bang mag-usap-uap kayo DOH-FASSTER, OCTA , Usec. Vergeire, at DOH Sec. Duque? At sana naman, magsalita na dito ang IATF, at sabihin kung nasaan na talaga tayo. Pababa na ba o tataas pa? Kawawa naman kaming taumbayan na hinihilo ninyo.