Mga aplikante dagsa na sa bagong media outfit ni Manny Villar

manny villar tv

Oktubre noong nakalipas na taon ay naisulat ko sa aking column ang pagbibigay ng kongreso ng prangkisa sa isang TV-radio satellite broadcasting network.

Noon pang nakalipas na taon ay aktibo na sa cable broadcast operation sa mga lalawigan ang nasabing broadcast firm.

At kamakalawa nga ay nabigyan na ng temporary broadcasting permit ng National Telecommunication Commission (NTC) ang Advanced Media Broadcasting System.

Ito ay pag-aari ng pamilya ng pinaka-mayamang Filipino na si dating Senate President Manny Villar.

Gamit ang dating broadcasting frequencies ng ABS-CBN, ang grupo ni Villar ay sinasabing magbo-broadcast sa kanilang pasilidad sa Starmall na matatagpuan sa kanto ng Edsa at Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.

Sinabi ng aking cricket na maraming mga aplikante ngayon lalo na yung mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN ang nagpaparamdam na “beke nemen” ay makapwesto sa tinaguriang “Villar Network”.

Kapag nagkataon ay magre-reunion sa nasabing lugar ang mga dating kapamilya at ilan pang personalidad na posibleng piratahin mula sa ibang himpilan.

Ayon pa sa aking cricket, seryoso si dating Sen. Villar na makipag-sabayan sa malalaking TV at radio station.

Kamakailan lang ay nabili rin niya ang isang FM radio station dito sa Metro Manila na nagkakahalaga ng daang milyong piso.

Kunsabagay ay kilalang seryoso sa pagpapatakbo ng negosyo si Villar at hindi siya papayag na maging white elephant lamang alinman sa mga business interest na kanyang pinapasukan.

Sa mga susunod na linggo ay marami tiyak ang madadag sa mga personalidad na sisiksik sa inaantabayanang pagsibol ng isa pang malaking broadcasting network sa bansa.

Abangan ang mga susunod na kabanata.

Read more...