Mayweather wagi kay Alvarez

ANG nakuhang majority decision win ni Floyd Mayweather Jr. laban sa batang si Saul “Canelo” Alvarez ang siyang naging kagulat-gulat sa tagisan ng dalawang boksingero kahapon sa MGM Grand Hotel sa Las Vegas, Nevada, USA.

Mula sa first round hanggang sa 12th round ay hindi nilubayan ng matitinding kamao ni Mayweather si Alvarez para sirain ang anumang diskarte sa laban.

“I can’t control what the judges do,” wika ni Mayweather sa Associated Press matapos bigyan ng 114-114 iskor ni CJ Ross ang one-sided na laban.

Si Ross ang judge na nagbigay ng 115-113 panalo kay Timothy Bradley para talunin si Manny Pacquiao noong Hunyo 9, 2012.

Tinabunan ang kontrobersyal na iskor na ito ng 117-111 at 116-112 scores galing kina Dave Moretti at Craig Metcalfe para itaas ni Mayweather ang malinis na karta sa 45-0.

Nakuha rin ni Mayweather ang pinaglabanang World Boxing Council at World Boxing Association light middleweight titles bukod sa pagkubra ng $41.5 milyon guaranteed purse ng laban.

Sa sixth round tuluyang nagdomina si Mayweather nang ipamalas ng 36-anyos na US boxer ang mga matitinding kombinasyon bukod sa mga hooks at matutulis na jabs.

Si Alvarez ang pala-atake pero hindi rin niya mabasag-basag ang solidong depensa ng katunggali.

“I just listened to my corner, listened to my dad. My dad had a brilliant game plan and I went out there and got the job done,” dagdag ni Mayweather na tinalo si Robert Guerrero noong Mayo.

Inamin naman ng Mexican na si Alvarez na pinahirapan siya ni Mayweather at gulat siya sa bilis na tangan ng katunggali.

“He’s a great fighter, very intelligent. I didn’t know how to get him, it’s extremely simple,” pahayag ni Alvarez na lumasap ng unang pagkatalo matapos ang 44 laban.

May 117 lamang ang tumama sa 526 na suntok na pinakawalan si Alvarez kumpara sa 232 mula sa 505 na ginawa ni Mayweather.

Sinasabing ang laban ay kumita ng $120 milyon, kasama ang $100 million sa pay-per-view, upang mailagay ito sa pinakamalaking laban sa kasaysayan ng boxing.

Read more...