Zaijian Jaranilla, Jodi Sta. Maria at Zanjoe Marudo
PARANG tunay na tatay na ang tingin ng dating child star na si Zaijian Jaranilla sa Kapamilya actor na si Zanjoe Marudo.
Magkasama sila sa bagong ABS-CBN drama series na “The Broken Marriage Vow”, gaganap si Zaijian bilang anak ng mga karakter nina Zanjoe at Jodi Sta. Maria sa nasabing teleserye.
Pag-amin ng young actor, totoong nangangapa pa siya sa kanyang role nu’ng mga unang araw ng lock-in taping sa Baguio City last year.
“Siguro nu’ng mga unang lock-in pa lang namin, parang nagkakapaan pa kami sa characters namin tapos parang hindi pa kami masyadong kumportable.
“Kasi sa family kailangan unang tingin mo pa lang sa screen makita mo agad yung bond. So winork namin yun hindi lang sa sarili namin, nagtrabaho kami as a team kaya yung mga challenges na yun madali namin nalagpasan,” kuwento ng binata.
Paglalarawan ni Zaijian sa kanyang karakter sa “The Broken Marriage Vow”, “Si Gio Ilustre ay isang mabait na anak, masipag at saka mapagmahal sa kanyang mga magulang. Ang daming nangyayari sa buhay ni Dra. Jill (Jodi).
“Kapag nandiyan si Gio siya lang yung nakakapagpakalma kay Jill. Sobrang close kami ng dad ko. Sobrang kumportable namin sa isa’t isa. Nabibigay ng mga magulang niya lahat ng kailangan niya hanggang sa na-discover niya unti-unti na nawawarak yung pamilya niya.
“Unti-unti mong makikita sa mga mata niya na nawawala na yung ilaw, yung ligaya na habang buo pa yung pamilya niya. Feeling ko yung mga tao na galing din sa broken family mas maiintindihan nila yung pinagdaanan ni Gio,” pahayag pa niya.
Marami rin daw siyang realizations at natutunan habang nasa lock-in taping at super flattered din siya sa mga papuri ng kanyang mga katrabaho sa programa.
“Siyempre sobrang saya kasi pag pinuri ka ng co-star mo sobrang nakakataba ng puso. At saka hindi ko rin naman magagawa yung ganu’n kung hindi rin dahil sa kanila.
“Kasi nagbibigay din sila kaya kailangan mo rin ibalik. Kaya kailangan ko rin galingan and sobrang nagkaroon din ng magandang resulta yung ginawa namin.
“Si kuya Zanjoe first time namin magka-work and sobrang galing niya, wala akong negative na masasabi sa kanya on and off camera. Sobrang cool niya.
“Parang tatay ko na talaga ang turing ko sa kanya. Kasi sobrang tagal din namin dun sa lock-in. Feeling ko nakabuo ako ng isang pamilya talaga,” sabi pa ng batang aktor.
Pagpapatuloy pa niya, “Wala akong masabi sa ibang cast kasi parang walang tapon. Sobrang gagaling nilang lahat. Sobrang professional. Tapos si mama Jodi du’n sa halos two months namin na lock-in napi-feel ko na magulang ko siya, na nanay ko siya, na si doktora Jill siya sa mga ginagawa niyang pag-acupuncture sa amin, mga ganu’n.
“Yung passion din niya kasi sa trabaho niya at saka yung dedication niya nandu’n talaga. Kaya hindi mo makikita na nagrereklamo siya sa set.
“Hindi siya napapagod. Kaya naa-absorb mo din yung energy niya. Sobrang professional ni mama Jodi. Sobrang saludo ako sa kanya,” papuri pa ni Zaijian kay Jodi.
https://bandera.inquirer.net/303303/zanjoe-apektado-sa-bugbugan-scene-nila-ni-jodi-nanginginig-ako-medyo-traumatic-yung-nangyari
https://bandera.inquirer.net/303418/zaijian-jaranilla-na-experience-ang-epektib-na-gamot-ni-jodi-nawawala-yung-stress-namin-sa-taping