Marian Rivera at Dingdong Dantes
KINUMPIRMA ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na tinamaan din siya ng COVID-19 pati na ang kanyang pamilya at iba pang kasama sa bahay.
Sa pamamagitan ng isang video na ipinost ng award-winning actor sa kanyang Facebook page ngayong araw, nagbigay siya ng ilang detalye tungkol sa pakikipaglaban nila sa COVID-19.
Ani Dong, nahawa sila ng virus ilang araw matapos silang maturukan ng booster shot, “Two weeks ago, finally nakakuha na ako ng booster shot. Grateful ako na nakakuha ako ng slot sa City of Parañaque.
“Thankfully after that, naging okay naman yung pakiramdam ko. Yung expected lang na sasakit siya kinabukasan pero after that, the day after, okay na siya talaga,” pahayag pa ng mister ni Marian Rivera.
“Pagkatapos ng ilang araw, napansin namin na marami na ang hindi maganda ang pakiramdam sa kapaligiran namin, sa mga kapitbahay namin, sa bahay ng mga kamag-anak namin, ng mga magulang namin.
“Halos lahat ng mga kakilala namin merong positive case sa bahay. Hanggang sa halos lahat kami dito sa bahay, nilagnat na at nagkaroon ng sintomas,” dagdag pang pagbabahagi ng aktor.
Agad naman daw silang nagpa-test para masiguro ang estado ng kanilang health condition hanggang sa malaman na nga nila na nagpositibo na sila sa COVID-19.
“Kaya iniisip namin mukhang ito na yun, mukhang nasama na kami sa surge so nag-test kami at yun na nga nag-positive kami sa COVID.
“Sa totoo lang, hindi namin alam kung saan at paano kami nahawa. Pero mabuti na lang, hanggang mild lang ang sintomas namin at nakakuha pa kami ng booster shot bago mahawa. Hindi lang ako, pati yung mga kasamahan ko sa bahay,” pahayag ng aktor.
Nang makumpirma na nga na positive sila, nag-isolate na sila agad sa bahay, at hindi raw talaga naging madali sa kanila ang paglaban sa virus pati na ang proseso ng pagku-quarantine.
“Naging mahirap para sa amin dahil since kaming lahat nagkaroon ng sabay-sabay, naging mahirap yung mobility para sa amin, yung movements lalo na sa pagbili ng gamot, sa paghahanda ng pagkain at pagbili ng pagkain.
“Nalagpasan namin ito dahil sa pagtulong ng maraming tao lalo na ng mga taong malalapit sa amin tulad ng nanay ko.
“Nagpadala siya ng mga pagkain na paborito ko at paborito ng mga bata… sa mga kaibigan namin. Kumbaga na-survive namin ito dahil sa mga ayuda na pinadala niyo dahil hindi kami makakilos ng mga panahon na iyon,” paglalahad pa ni Dong.
Sa huling bahagi ng kanyang video, muling nanawagan si Dingdong sa publiko na huwag mahiya at itago kapag tinamaan ng COVID-19.
“Sana tandaan natin na hindi po kasalanan o dapat ikahiya ang pagkakaroon COVID kasi kahit anong pag-iingat ang gawin, nandiyan at nandiyan pa rin ang panganib na makuha ito.
“Kaya dapat doble kayod pa rin tayo lahat na masigurong makapagpabakuna, makapagpa-booster shot,” sabi pa ng aktor na nasa ika-10 araw na ng kanyang isolation at baka raw bumalik na siya sa trabaho ngayong linggo.
Sa ginawang video ni Dingdong, hindi niya diretsahang binanggit kung nagka-COVID din si Marian at ang dalawang anak nilang sina Zia at Sixto.
https://bandera.inquirer.net/286293/dingdong-kay-marian-napakaswerte-ko-na-siya-talaga-ang-naging-asawa-ko
https://bandera.inquirer.net/302210/dingdong-naka-survive-sa-1-buwang-lock-in-taping-dahil-sa-pa-lafang-ni-marian