Nag-aalok ng pakikipagtulungan at kooperasyon sina Anakalusugan Rep. Michael Defensor at kanyang mga kaalyado sa pamunuan ni Mayor Joy Belmonte upang labanan ang pagdami ng kaso ng COVID sa Quezon City.
Ito ay panahon upang isantabi ang pagkakaiba sa pulitika upang labanan ang isang kaaway ng lahat, ang COVID.
“Isinantabi muna namin ang pagkakaiba sa pulitika upang mapagtuunan ng pansin ang pagtulong sa pag kontrol ng pagkalat ng mga bagong infection,” ani Defensor.
Ayon sa kanya, ang ginagawa ng Anakalusugan, isang party-list na grupong pangkalusugan, sa kasalukuyan ay magrefer ng mga taong nangangailangan ng test sa mga testing center. Namamahagi din ang grupo ng pagkain at gamot sa mga kabahayan na tinamaan ng COVID.
Ayon kay Defensor, siya at kanyang mga kaalyado ay nakahandang makipag koordinasyon at magbigay ng kooperasyon sa pamunuan ni Mayor Belmonte.
Sang-ayon sa Department of Health ay umabot na sa 218,583 ang mga kaso ng COVID sa Quezon City nuong Enero 15.