80 anyos na inaresto ng pulis matapos akusahang nagnakaw ng mangga, nakalaya na

80 anyos na inaresto ng pulis matapos akusahang nagnakaw ng mangga, nakalaya na

PANSAMANTALANG nakalaya ang 80 anyos na si Narding Flores matapos maaresto noong nakaraang linggo dahil sa diumano’y pagnanakaw ng 10 kilo ng mangga sa Asingan, Pangasinan.

Naaresto ang matanda matapos ang nangyaring “manhunt operation” noong January 13 sa Barangay Bantog.

Ayon sa Public Information Office (PIO) ng Asingan, base ito sa warrant na in-issue ng 7th Municipal Circuit Trial Court na inilabas naman noong December 20, 2021.

Agad namang nag-viral ang balita ng pagkakakulong ng matanda na umani ng samu’t saring reaksyon sa mga madlang pipol pati na rin sa mga artistang nakabasa at nakapanood tungkol sa sinapit ng lolo.

Pagkukuwento ng matanda, pinitas niya ang mga mangga dahil siya naman daw ang nagtanim nito ngunit binakuran ito ng kanilang kapitbahay.

“Pinipitas ko ‘yung isang puno ng mangga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman ‘yun,” saad ni Lolo Narding.

Dagdag pa niya, nais raw sana niyang makipagkasundo sa kanyang kapitbahay at nagpresinta pa na babayaran na lamang ang mga nakuhang mangga ngunit sinabihan raw siya na magbayad ng P6,000.

“Ang gusto ko sana (makipag-ayos at makipagkasundo), maliig lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko ‘yung bayad ayaw nilang tanggapin. Ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo,” dagdag pa ni Lolo Narding.

Agad namang nag-ambagan ang mga pulis mula sa Asingan Police Station para makalikom ng anim na libo na pangpiyansa sa matanda.

Sa ngayon ay pansamantala nang nakalaya si Lolo Narding at sinamahan pa siya ng mga pulis pauwi sa kanyang tirahan.

Naglabas naman ng public apology ang Asingan PIO dahil sa Facebook post nito patungkol sa kalagayan ng 80 anyos na lolo.

Paglilinaw nila, maayos naman ang naging kondisyon ng matanda sa kanilang stasyon at inalagaan siya ng mga pulis hanggang sa oras na mapalaya ito.

Humingi rin sila ng paumanhin sa may-ari at caretaker ng lupa.

“Huwag din po sana natin i-bash ang (may-ari) ng lupa at caretaker nito, sa katunayan sila pa ang nagpupursige na (mapawalang bisa) ang inihain na reklamo,” saad nila.

Marami namang mga netizens ang nag-react at nais na magpaabot ng tulong at suporta kay Lolo Narding at sa pamilya nito.

Nakatakda namang humarap sa court hearing ang matanda ukol sa kasong kinasasangkutan niya sa February 8.

Read more...