Zaijian Jaranilla at Jodi Sta. Maria
SUPER na-enjoy ng Kapamilya young actor na si Zaijian Jaranilla ang lock-in taping nila sa Baguio para sa upcoming ABS-CBN series na “The Broken Marriage Vow.”
Tumagal ng mahigit two months ang taping nila roon pero hindi naman daw nakaramdam ng matinding pangungulila ang binata habang ginagawa nila ang pinakaaabangang Philippine adaptation ng British series na “Doctor Foster.”
“Sobrang ganda sa Baguio. At saka bilang artista kasi minsan nakadepende din ako sa weather eh, yung sa atmosphere ng location, parang ganu’n. So ang laking bagay sa akin.
“At saka yung mga damit, siyempre hindi ka naman puwede magsuot ng mga jacket sa Manila dahil sobrang init. So ang laking tulong din ng weather ng Baguio.
“Parang pag pinanood mo kagad sa screen alam mo na sa Baguio ito. Feel mo agad yung Baguio vibes,” masayang kuwento ni Zaijian sa digital presscon ng Kapamilya series.
Na-enjoy din daw niya ang fashion style ng character niyang si Gio Ilustre, “Sobrang saludo rin ako kay direk Connie (Macatuno) kasi yung mga pagpili niya sa scenes. Ipinakita niya yung mga design ng local designers natin.
“Ganito pala yung mga damit nila sobrang ganda rin. Sobrang malayo rin kasi kay Zaijian yung porma ni Gio. Sobrang enjoy din. Mahilig kasi ako mag-shorts at magtsinelas. Tapos jacket, ganu’n. Eh, sa Baguio ang hirap mag-shorts eh, ang lamig!” natatawang chika ng dating child actor na unang nakilala bilang Santino sa 2009 series na “May Bukas Pa.”
Sa tanong kung ano ang secret niya at hanggang ngayon ay very active pa rin siya sa showbiz, “Walang sikreto, eh. Siguro ang masasabi ko lang gusto ko talaga yung ginagawa ko. At saka mahal ko yung trabaho ko.
“Yung dedication ko rin, nandu’n talaga lahat. At yung isa rin sa gusto ko kaya pinagpatuloy ko yung journey ko sa showbiz kasi madami akong nakikilala na ibang tao at natututunan sa kanila. Kaya wala naman sigurong sikreto.
“Sa pag-prepare naman sa mga role binabasa ko yung script. And minsan hindi ko siya ino-overthink kasi minsan nagugulat ako sa sarili ko na kaya ko pala siya gawin, kaya ko palang ibigay yung hinihingi ng character,” lahad ni Zaijian.
Samantala, nabanggit din ng bagets na madali raw siyang makabitaw o makakawala sa mga ginagawa niyang role lalo na sa mabibigat na drama scenes, hindi tulad ng ibang artista na nadadala hanggang sa pag-uwi ng bahay.
“Siguro bilang gamer din, malaking tulong sa akin yung games kasi parang napupunta ako sa ibang mundo, ganu’n. Nae-enjoy ko yung sarili kong company, ganyan.
“At saka nung time na rin nu’n kasi si mama Jodi (Sta. Maria) nag-a-acupuncture sa tenga so ang laking factor din yun. Nawawala yung stress namin sa taping. May mga ganu’ng mga ganap kaya siguro yun yung pagpag na sinasabi ko,” sey pa ni Zaijian.
Bukod kina Jodi at Zaijian, makaka-join din sa “The Broken Marriage Vow” sina Zanjoe Marudo, Sue Ramirez, Jane Oineza, Angeli Bayani, Bianca Manalo, Ketchup Eusebio, Rachel Alejandro, Art Acuña, Empress Schuck, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie-Ann Armero, Migs Almendras, Avery Clyde at JB Agustin. This is directed by Concepcion Macatuno and Andoy Ranay.
https://bandera.inquirer.net/302958/zaijian-jaranilla-hiwalay-na-sa-non-showbiz-dyowa
https://bandera.inquirer.net/294670/joshua-zaijian-pasok-sa-darna-ni-jane-sino-kaya-ang-mapipiling-valentina