Tekla ibinandera ang tunay na dahilan kung bakit umalis sa poder niya ang panganay na anak

Super Tekla at Aira

BAGO pa maintriga at malagyan ng ibang kulay at malisya, agad nang nilinaw ng Kapuso comedian na si Super Tekla kung bakit umalis na sa poder niya ang panganay na anak.

Paglilinaw ng TV host at komedyante, may maganda at katanggap-tanggap namang dahilan ang anak niyang si Aira sa pagbabalik nito sa bahay nila sa Bacolod.

Sa nakaraang birthday celebration  ni Tekla sa weekly comedy show nila ni Boobay sa GMA 7 na “The Boobay And Tekla Show”, nagpaliwanag ang tatay ni Aira sa pag-alis ng anak sa bahay nila rito sa Manila.

Sa unang bahagi ng “TBATS”, sa pamamagitan ng tawag sa telepono, nakausap ni Aira ang kanyang ama. Binati niya si Tekla at sinabing mahal na mahal niya ito.

Huwag din daw itong masyadong mag-alala sa kanya dahil maayos ang sitwasyon nila sa Bacolod kasama ang kanyang lola at iba pang kaanak at kaibigan.

“Hindi porke umalis ako diyan hindi na kita mahal. Mahal na mahal kita daddy. Kailangan ko lang umalis para ‘di na rin ako makaabala sa trabaho mo,” mensahe ng bagets kay Tekla.

Sabi pa ni Aira, bumalik siya sa probinsya para raw makapag-concentrate muli si Tekla sa pagtatrabaho. Alam daw niyang medyo nakakaabala rin siya sa work ng ama.

“Magkikita rin tayo soon, daddy,” pahayag pa ni Aira.

Pag-amin naman ni Tekla, na-culture shock daw ang kanyang 12-year-old na anak nang dalhin niya sa Maynila para magkasama na silang mag-ama.

Talaga raw nabigla ang bagets sa naging pagbabago sa kanyang buhay sa Maynila, lalo pa’t nalayo ito sa kanyang mga kaibigan sa probinsya.

Hindi rin naging madali para sa panganay na anak ang mag-adjust sa kanilang buhay sa Manila kaya naman pumayag na rin siya na bumalik na muna si Aira sa Bacolod para makasama muli ang kanyang lola. Doon na rin niya ipagpapatuloy ang pag-aaral.

Mensahe pa ni Tekla kay Aira, “‘Nak hindi kita inoobliga na pahalagahan mo ako, just ano lang, connect lang sa akin. Kung anong problema mo, nandito lang ako. Just chat me?”

Sa huli, nabanggit din ni Tekla ang palagi niyang dasal na sana’y bumuti na rin ang health condition ng bunso niyang anak na si Angelo.

“Magiging kampante lang ako at masaya ako na parang makakatulog akong maayos kapag nakikita ko yong anak kong stable at maayos…si Angelo,” emosyonal pang pahayag pa ni Tekla.

https://bandera.inquirer.net/290932/super-tekla-naiyak-nang-balikan-ang-nakaraang-buhay

https://bandera.inquirer.net/298548/sexbomb-aira-balak-manirahan-sa-australia-handa-nang-iwan-ang-showbiz

Read more...