Rabiya Mateo
GRABE ang pang-iinsulto at pambabastos ng ilang netizens kay 2020 Miss Universe Philippines Rabiya Mateo dahil lang sa pagpasok niya mundo ng showbiz.
Kung maraming natutuwa at nagko-congratulate sa Pinay beauty queen sa kanyang pag-aartista, may mga nangnenega rin sa kanya at pilit siyang ibinabagsak.
Nagdesisyon si Rabiya na pasukin na rin ang pag-aartista pagkatapos ng kanyang Miss Universe journey. Nag-sign siya ng exclusive contract sa GMA Network last November, 2021.
Ilang beses nang napanood ang dalaga sa ilang programa ng GMA last year and very soon ay rarampa naman siya bilang isang agent sa book two ng fantasy-action series ng GMA na “Agimat ng Agila,” na pagbibidahan ni Sen. Bong Revilla.
Kahapon, Jan. 17, nag-post ang beauty queen turned actress ng ilang litrato sa kanyang Instagram kung saan makikita ang pagtulong niya sa paggawa ng raisin bread sa Baguio Country Club sa Baguio City.
Ang isinulat na caption ni Rabiya sa kanyang IG post, “Minsan action star, minsan panadero.”
Sunud-sunod ang magaganda at positibong comments ng mga netizens sa IG post ng aktres na nagsabing aabangan talaga nila ang kanyang first Kapuso series.
Pero may isa nga siyang IG follower na nag-comment sa litrato ni Rabiya at base sa account name nito mukhang isa siyang medical technologist.
Matapang nitong inakusahan si Rabiya na “talunan” (sa Miss Universe pageant), “ambisyosa” at “hindi marunong umarte.”
“Minsan Beauty Queen, Minsan drama queen. Pero kadalasan ambisyosa di naman marunong umarte, talunan pa sa MU (Miss Universe),” pang-okray ng hater na sinundan pa niya ng crying emoji.
Ngunit sa halip na talakan at pagsalitaan din ng masasakit na salita, malumanay ngunit tagos na tagos ang naging bwelta ni Rabiya sa mapanglait na basher.
“Di naman siguro masama mangarap, yung masama mangbaba ng kapwa.
“Medical professional ka diba? Sana maging doctor ka gaya ng pangarap mo. Keep winning in life,” ang sagot ni Rabiya na graduate naman ng Physical Therapy sa Iloilo Doctor’s College.
Matapos sagutin ng Kapuso star, agad namang binura ng netizen ang comment nito. Mukhang natakot nga ito nang sagutin ng mga supporters ni Rabiya.
Ayon sa isang fan ng beauty queen, sinubukan nilang hanapin sa comments section ang basher ngunit hindi na nila ito makita.
Baka raw nag-deactivate na ito ng kanyang account para makaiwas sa resbak ng mga tagasuporta ni Rabiya.
Ang maganda rito, may IG user na nakapag-screenshot ng comment ng basher na ngayon ay kalat na kalat na dahil sa isang TikTok video.
https://bandera.inquirer.net/289263/rabiya-mateo-ayaw-na-ayaw-ng-dinuguan-muntik-maputol-ang-dila-dahil-sa
https://bandera.inquirer.net/298218/rabiya-kinarir-ang-pagboboksing-para-sa-pagiging-action-star-game-na-game-magkontrabida