Arnold Clavio: Sa mga umaasa na ako ay lumala at tuluyang mamatay, panalangin po ang aking alay…

Arnold Clavio

“NAWA’Y hindi ninyo maranasan ang naranasan ngayon ng marami sa Pilipinas at sa buong mundo.”

Iyan ang mensahe ng Kapuso news anchor na si Arnold Clavio sa lahat ng mga netizens na nagsasabing sana’y mamatay na raw siya sa sakit na COVID-19.

Ibinalita ni Igan sa publiko na naka-recover na siya mula sa nakamamatay na virus kasabay ng pagpapasalamat sa Diyos at sa lahat ng nagdasal para sa agaran niyang paggaling.

Sa kanyang Instagram page, ipinost pa ng TV host at veteran broadcast journalist ang negatibong resulta ng kanyang antigen test matapos ang 10 araw ng pagse-self-quarantine.

“Sa matinding pagsubok mo maaasahan ang mga tunay na kaibigan. At itong mga nagdaang mga araw ay hindi magiging madali sa akin at sa aking maybahay kundi dahil sa inyong lahat,” ang caption ni Arnold sa kanyang IG post.

Patuloy pa niyang pahayag, “Ang mga panalangin at mensahe, pangungumusta at tawag, ang nagsilbing bitamina para labanan namin pareho ang Omicron variant ng COVID-19. 

“Sa unang araw pa lang ay kasama ko na kayo sa pagharap sa hamong ito. Mga positibong mga pahayag na nagpalakas pa sa aming immune system. Kayo ang aming naging booster para mapagtagumpayan ito,” sabi pa ni Igan.


Kasunod nito, nagpasalamat din siya sa lahat ng mga taong nagpalakas ng kanyang loob, lalo na sa mga hindi niya kakilala pero nagparamdama ng suporta at pagmamahal habang nagpapagaling siya.

“Sa aking pamilya, mga mahal sa buhay, kaanak, katrabaho, kalaro, at lalo na kayong mga Kapuso, mga viewer, listener, at reader ko, at follower sa Instagram at Facebook, maraming maraming salamat po. Kayo ang aking naging lakas at sandigan,” pahayag pa ng news anchor.

At para naman sa lahat ng nag-post ng mga negatibo at masasakit na salita tungkol sa kanya, ito lang ang masasabi niya, “Sa mga umaasa na ako ay lumalala at tuluyang mamatay, panalangin po ang aking alay. 

“Nawa’y hindi ninyo maranasan ang naranasan ngayon ng marami sa Pilipinas at sa buong mundo.

Kalakip ang kaliwanagan ng isipan at mabatid na tayong lahat ay may pananagutan sa piling Niya,” lahad pa niya.

Sa huli, nagbitiw naman ng pangako si Arnold para sa lahat, “Misyon kong maging instrumento ni Ama sa gitna ng pandemic, ang ikalat natin ay ang pagmamahalan at hindi galit, kalinga at hindi inggit, pag-asa at hindi kalungkutan, katotohanan at hindi paninira’t kasinungalingan. Maging handa tayong lahat.”

In-announce ng broadcaster sa publiko nitong nagdaang Jan. 9 na nagpositibo siya sa COVID-19 at ginagawa raw niya ang lahat para magpagaling.

https://bandera.inquirer.net/302559/arnold-clavio-nahawa-pa-rin-ng-covid-19-kahit-super-tindi-na-ang-ginagawang-pag-iingat

https://bandera.inquirer.net/294799/arnold-clavio-pumalag-na-sa-kumakalat-na-fake-news-hindi-ko-na-po-matiis

Read more...