Zanjoe Marudo, Sue Ramirez at Jodi Sta. Maria
DAHIL sa sunud-sunod na lock-in taping ni Jodi Sta. Maria ay nabago ang kanyang body clock at lagi siyang nananaginip na nagte-taping pa siya at kung ano na ang sequences ang kukunan.
Wala pa kasi halos kalahating taon simula nang matapos ang lock-in taping ng TV series na “Ang Sa Iyo ay Akin” ni Jodi kasama sina Sam Milby, Yam Concepcion, Iza Calzado at Maricel Soriano ay heto’t gaganap naman siya bilang Dra. Jill Ilustre sa Philippine adaptation ng “Doctor Foster”, ang “The Broken Marriage Vow.”
Hindi pa siya halos nakakapahinga ay balik lock-in taping na siya sa Baguio City for almost two months at bago mag-Pasko lang siya nakauwi sa bahay nila.
Aniya, “Minsan nga natutulog ako, natutulog ba ako bilang si Jodi o natutulog ako bilang Jill? Sometimes 4 to 5 days straight (taping) and we have one day off, so, tuluy-tuloy at wala kang chance bumitaw sa karakter.”
Pero may magandang advantage namang dulot para sa kanya ang lock-in taping kumpara noong wala pang pandemya na nagagawa niyang sumegue sa ibang commitments tulad ng paggawa ng TV commercial.
“Well, sa taping ngayon of course ang tagal naming nawawala sa family namin, I think character wise mas nagiging efficient kasi everyday walang patid,” saad ng aktres.
Natatawang kuwento pa ni Jodi na nu’ng pauwi na siya ng Maynila ay feeling niya nasa Baguio pa rin siya.
“Noong time na umuwi na ako ng Manila, December 24, alam mo ‘yung nakahiga ka, ang panaginip ko taping, ang pakiramdam ko nasa Baguio pa rin ako. Nu’ng dumating ako sa bahay ko, tinitingnan ko, ‘shocks nasa bahay na ako?’
“Nu’ng sinundo nga ako ng driver ko naalimpungatan ako, ‘asan tayo?’ Kasi ang nakikita ko expressway. Kasi ang iniisip ko dapat mapuno, alam mo ‘yung Baguio pa ang feels. Tapos halimbawa nakatulog ako, magigising ako, (tatanungin ko), ‘anong sequence na?’” natatawang kuwento ng aktres.
Hindi lang pala siya ang nakaramdam ng ganito dahil pati ang kasamahan niyang sina Sue Ramirez at Zanjoe Marudo ay nakaramdam din ng psychological sepanx na ang tanong nila ay, “nasa real world na ba ako?”
“Oo kasi parang, how do I transition back to reality, to my family. Parang how do I reintegrate myself back? Kasi doon (taping) may sarili kaming mundo, nasa bubble kami, location-taping, location-taping. Kung baga nakabuo kami ng routine sa pang-araw-araw.
“Tapos one day uuwi ka na sa Manila, biglang ‘huh, anong nangyari?’ Dapat taping…ay wala na palang taping? Sa panaginip ko taping ganu’n,” kuwento pa ni Jodi.
Pero inamin ng aktres na nagulat siya nang sabihan siya ng management company niya na siya ang gaganap na bida sa “The Broken Marriage Vow” na mula nga sa British drama series na “Doctor Foster” ng BBC Studios na produced naman ng Dreamscape Entertainment.
Sabi niya, “Nu’ng sinabi sa akin ng management ko, hindi ako makapaniwala kasi nu’ng time nay un halos kakatapos ko lang panoorin ‘yung Korean adaptation and kagagaling ko lang din sa isang serye, so, tumakbo sa isip ko na, ‘ha? Bakit ako?’
“Siyempre nakaka-pressure na parang hindi ko alam kung paano ko gagawin, paano ko bubuuin, and alam ko nga na sobrang hit din ng Korean series, so I really don’t know kung ano ‘yung mararamdaman ko. Siyempre nagulat ako, na-surprise ako na in-offer,” aniya pa.
At ang “The Broken Marriage Vow” ang unang Philippine TV series na ipalalabas ngayon sa VIU streaming bilang bagong partnership ng ABS-CBN na nagkaroon ng pirmahan ng kontrata nitong Sabado, Enero 15.
Samantala, eeee na ang “The Broken Marriage Vow” ngayong Enero 22 sa iWantTFC, dalawang araw bago ito ipalabas sa TV. Subaybayan ito simula Enero 24, 8:40 p.m. sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page at TFC.
Ang iba pang kasama sa “TBMV” ay sina Jane Oineza, Angeli Bayani, Bianca Manalo, Ketchup Eusebio, Rachel Alejandro, Art Acuña, Empress Schuck, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde, at JB Agustin and with special participation of Susan Africa at Ronnie Lazaro.
Kinunan nang buo sa Baguio ang “The Broken Marriage Vow” at mula naman sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay.
https://bandera.inquirer.net/303030/jodi-mas-pipiliin-ang-magpatawad-kesa-maghiganti-kapag-niloko-ng-asawa-its-for-your-own-peace
https://bandera.inquirer.net/283649/jodi-zanjoe-sue-bibida-sa-pinoy-version-ng-doctor-foster-andito-kami-para-sa-yo-promise-ng-abs-cbn