Lucky Shot by Barry Pascua
MUKHANG clear-cut na talaga ang rotation pattern ni Alaska Milk coach Tim Cone para sa PBA Fiesta Conference. Tila hindi na kabilang sa rotation ang beteranong si Jeffrey Cariaso, sophomore na si Mark Borboran at rookie na si Mike Burtscher. Kasi nga’y hindi pa nagagamit ang tatlong manlalarong ito sa unang apat na games na nilaro ng Aces sa kasalukuyang conference. Nakalasap ng back-to-back na kabiguan ang Alaska Milk sa Talk ‘N Text at defending champion San Miguel Beer bago nagwagi laban sa Air21 at Derby Ace para sa 2-2 record. Sa unang tatlong games ng Aces ay 11 players ang ginamit ni Cone. Pero laban sa Derby Ace sa kanilang out-of-town game sa Cagayan de Oro City ay sampu na lang ang ginamit ni Cone dahil hindi nakapaglaro si Brandon Cablay na natawagan ng flagrant foul laban sa Air21 nang batuhin niya ng bola sa likod si Mike Cortez. Naisip nga ng karamihan na dahil sa wala nga si Cablay ay baka magamit na si Cariaso. Pero hindi pa rin ito ipinasok laban sa Derby Ace. Subalit nagwagi naman ang Alaska Milk, 83-81, para kahit paano’y makaganti sa pagkakawalis sa kanila ng tropa ni coach Paul Ryan Gregorio sa nakaraang Philippine Cup Finals. Well, tila ito na ang magiging huling conference ni Cariaso sa Alaska Milk o sa PBA. Kasi nga, kahit noong Philippine Cup ay hindi naman siya masyadong magamit. Katunayan, bago pa man nagsimula ang 35th season, para ba’ng naisip na rin ng manlalarong tinaguriang “The Jet” na magretiro. Kung hindi siya pumirma ng contract extension, papipirmahin sana ng Aces ang rookie na si Sean Co na kinuha nila sa second round ng Draft. Okay na rin ang career ni Cariaso. Naging Rookie of the Year siya at marami na siyang kampeonatong napanalunan. Naging miyembro rin siya ng national team. Wala na siyang panghihinayangan pa. Kumpleto na ang kanyang career. Sa panig ni Borboran, well, siguro’y kailangang maghintay pa siya ng kaunting panahon upang makamtam ang tiwala ni Cone. Si Borboran ay pinili ng Air21 sa Draft dalawang taon na ang nakalilipas subalit ipinamigay sa Alaska Milk. Sa kanyang rookie year ay kaunti lang ang kanyang playing time pero noong nakaraang Philippine Cup ay medyo umangat ito ng bahagya. Kaya naman nakapagtataka na binabangko siya ngayon. Kasi nga’y inaakala ng karamihan na ang 35th season ay magiging breakout season para sa kanya. Hindi pala! Si Burtscher ay kinuha ng Alaska Milk sa first round ng nakaraang Draft. Siya ang tanging baguhang pinapirma ng Aces at ani Cone siya’y magsisilbing isang project. Hindi na bago para sa Alaska Milk ang magkaroon ng “project” na big man. May height na 6-7 si Burtscher at kung lalabas ang husay nito’y pakikinabangan siya. Kaya naman project ang turing sa kanya ay dahil hindi naman siya naging outstanding bilang amateur player. Ang siste’y nakuha ng Aces si Samigue Eman buhat sa San Miguel Beer. Mas matangkad at mas beterano si Eman kaya siya na ngayon ang bagong “project” ni Cone. So upo na muna si Burtscher. Matatagalan bago siya ulit mapansin. At kung hindi siya mahihinog, malamang na malaglag na lang siya balang araw at masayang nang tuluyan ang anumang potential na mayroon siya. Well, ganyan talaga ang buhay sa PBA. Dito napapatunayan ang phrase na “survival of the fittest.”
Bandera, Philippine Sports news, 042610