Toni Fowler
NADAMAY ang sikat na vlogger at social media influencer na si Toni Fowler sa kontrobersyang kinasasangkutan ng babaeng itinuturing niyang “nanay.”
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook Live, nagpaliwanag si Toni at inisa-isa ang dahilan kung bakit iniwasan na niya ang nasabing kaibigan na viral na nga ngayon matapos masangkot umano sa isang scam.
Inirereklamo kasi ngayon ang nasabing ginang ng ilang kakilala nito dahil sa isyu ng pera, kabilang na nga ang isang kaibigan ni Toni na naglabas daw ng P3 million para sa isang investment.
Ayon sa kilalang vlogger at dancer, talagang umiwas na siya sa kanyang nanay-nanayan dahil nga sa kinasasangkutan nitong isyu, lalo na sa ginawa umano nito sa malapit niyang kaibigan.
Ayaw na raw sana niyang magsalita tungkol dito pero napilitan na siyang magpaliwanag dahil sa pagmamahal niya sa kaibigan na umano’y nabiktima ng nasabing ginang at sa pamimilit na rin ng kanyang mga social media followers.
Aniya, wala na raw siyang planong makipag-usap o ituloy ang friendship nila ng dating nanay-nanayan, ang gusto lang daw niya ay ibalik nito ang investment ng kanyang friend.
Sa Facebook post naman ng isang nagngangalang Lyssa Jermia, inireklamo rin nito ang ginang at sinabing nakapaglabas daw siya ng P30 million para sa umano’y malalaking investments.
Sa mga hindi pa nakakaalam, ang nasabing ginang ang nagsabi noon na scammer umano ang kontrobersyal influencer at senatorial aspirant na si Francis Leo Marcos o mas kilala ng mga netizens bilang FLM dahil sa kanyang mga vlog.
Sa isang ininterview, sinabi nito ang tungkol sa pang i-scam umano sa kanya ni FLM at isa raw siya sa mga sumali sa pinauso nitong “Mayaman Challenge” sa kanyang vlog.
Subalit nilinaw naman agad ng legal chief ni FLM na si Atty. Jonie Caroche-Vestido ang tungkol sa paratang sa vlogger at wala naman daw silang natanggap na formal complaint noon. Nanindigan din ang abogado na walang kinalaman si Marcos sa naturang pang i-scam.
Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ng lahat ng mga taong sangkot sa isyung ito.