Mark Anthony Fernandez, Claudine Barretto at Vic del Rosario
MAGANDA at napakapositibo ng aura ni Claudine Barretto nang muling humarap sa mga members ng entertainment media para sa bago niyang pelikula, ang “Deception.”
Kagabi, sa ginanap na virtual mediacon ng nasabing pelikula mula sa Viva Films at Borracho Productions, game na game na sinagot ng dating celebrity couple ang mga tanong ng press.
Ayon kay Claudine, napakaganda ng pasok ng Bagong Taon sa kanya dahil muli silang nagkasama-sama ng kanyang mga kapatid at pamangkin.
Naikuwento ng aktres ang tungkol sa naganap na “reconciliation” sa pagitan nila ng kapatid na si Marjorie Barretto pati na ng mga anak nito sa kanilang New Year celebration.
Kumalat sa social media ang mga litrato at video nina Claudine at Marjorie pati na ang ilan nilang mga kapamilya na magkakasama na kuha nga sa reunion ng pamilya Barretto noong salubungin nila ang 2022.
“Maganda ang simula ng taon ko dahil nakasama ko ang buong pamilya ko.
“Nag-New Year kami sa Subic at kasama ko yung mga pamangkin ko, mga anak ni Marjorie. Magkasama-sama kami, we really celebrated New Year with a bang, with so much love and peace of mind,” simulang pagbabahagi ni Claudine.
Aniya pa, “New Year was really really that fun. We all spent it sa Olongapo, sa bahay namin sa Subic with my whole family.
“First time na nabuo yung pamilya namin, except yung dalawang ate ko kasi nasa abroad. We were all together, especially my nieces and nephews, kasama ko noong New Year.
“Sinalubong namin yung New Year with so much love and happiness and so much peace,” lahad pa ng comebacking actress.
Naibalita rin ni Claudine ang tungkol sa pagpasok niya sa mundo ng politika. Kumakandito siyang konsehal sa Olongapo para sa May 9, 2022 elections.
“Eto na, malapit nang magkampanya, nagkakampanya na. I’m very excited and nervous, grateful and hopeful na itong bagong tatahakin ko na career, e, talagang maibigay ko yung serbisyo na kailangan ng mga tao, hindi lang sa Olongapo kung hindi kahit saan,” pahayag pa ng aktres.
Samantala, ang “Deception” ang magsisilbing reunion movie ni Claudine at ng ex-boyfriend niyang si Mark Anthony Fernandez.
Sa mundong mapanlinlang at puno ng kasinungalingan, gaano mo ba pinagkakatiwalaan ang mga taong malapit sa’ yo? Ngayong Jan. 28, alamin ang mga katotohanan sa likod ng kasinungalingan sa upcoming Vivamax original movie mula kay Joel Lamangan, ang “Deception.”
Ito’y isang drama-mystery film kung saan iikot ang kuwento kina Rose (Claudine) isang sikat na aktres at ni Jericho (Mark Anthony) na isa namang stunt double, na nahulog sa isa’t isa at nagpakasal.
Sa pagsisimula ng kanilang pamilya, nagkaroon sila ng anak at pinangalanang Thomas. Kung titingnan, isa na itong maayos na pamilya na puno ng pagmamahal, pero ang inaakalang isang masayang pamilya na may magandang kinabukasan ay unti-unting masisira.
Maaakusahan si Rose sa salang pagpatay sa kanyang asawa at makukulong ng 10 taon. Sa pagkakakulong ni Rose at pagkamatay ni Jericho, ang kanilang anak ay dadalhin sa bahay ampunan.
Sa paglaya ni Rose, susubukan niyang magsimula ulit at buuin ang mga bagay na nawala sa kanya, isa na rito ang paghahanap sa kanyang anak. Pero sa pagbabagong-buhay, lalantad ang lahat ng kasinungalinang sumira sa kanyang buhay.
Makalipas ang 25 years, muli ngang magsasama sina Claudine at Mark sa pelikula na matagal na nilang pinapangarap na matupad.
“Ang gustung-gusto ko kay Claudine, naging independent woman siya, yung ang napansin ko,” sabi ni Mark.
“Working with Mark is very easy and we really have a good rapport,” sey naman ni Claudine tungkol kay Mark.
Mapapanood ang “Deception” simula ngayong Jan. 28 sa Vivamax.
https://bandera.inquirer.net/284432/banta-ni-marjorie-sa-mga-naninira-kay-julia-buhay-na-buhay-pa-ang-nanay-niya
https://bandera.inquirer.net/301992/claudine-marjorie-magkasama-sa-new-years-party-ng-barretto-family-nagkabati-na-nga-ba