Pokwang laging umiiyak dahil sa inang may dementia, naglabas ng sama ng loob sa mga kapatid
Pokwang at Malia
TAWANAN at iyakan ang naganap sa tsikahan nina Ogie Diaz at Pokwang sa vlog ng una na in-upload bago maghatinggabi kahapon.
Halakhakan dahil inalala ng komedyana kung paano siya nadiskubre sa isang comedy bar sa may Roxas Boulevard dahil napansin siya ng manager nang makipagpalitan ng punchline kay Eric Nicolas na siyang host noon at sinabing kailangan nila ng babaeng bakla.
Nakasama noon ni Pokwang sina Lassy at MC sa nasabing comedy bar hanggang sa napunta na siya ng Music Box kung saan siya nahasa nang husto bilang stand up comedienne.
Hanggang sa nangailangan na nga ng contestant sa reality show na “Clown in A Million” ang ABS-CBN at inirekomenda siya ni Eric na noo’y kasama rin sa programa at doon na nga nagtuluy-tuloy ang tagumpay niya bilang artista.
Naikuwento rin ni Pokie ang tungkol sa ina na hindi na siya kilala dahil sa pagkakaroon nito ng dementia, “Wowowee (naging co-host siya mula 2007-2010), Wowowee! Ha-hahaha! Pag nakikita niya ako, ‘uy Wowowee!’ Hi, Kuya (Willie Revillame).
“Nu’ng time na may dementia na siya wala ng Wowowee, eh. Pero pag nakikita niya ako, ‘huy Wowowee, nandito ka?” naiiyak at natatawang kuwento ni Pokwang.
Sundot ni Ogie, “Ah, hindi bilang anak kundi bilang si Pokwang sa Wowowee?”
“Oo sabi niya ‘Wowowee nandito ka, may sopas diyan.’ Alam niyang paborito ko ang sopas,” saad pa ng aktres.
Naiiyak daw lagi si Pokie dahil hindi na siya kilala ng ina pero hindi niya ito ipinakikita, “Hindi na kasi siya ‘yung nanay ko dati na alam mo ‘yun na nilalambing ka.
“Kasi one time niyakap ko ‘yan na meron na siyang dementia. Gusto ko lang yakapin para tignan ko magiging reaksyon niya, humiga ako sa dito (sa lap), ‘huy doon ka, bayaw kita di ba?’ Sabi ko na nga ba mukha akong lalaki, eh!”
Sa tanong ni Ogie kung naging pabigat kay Pokwang ang nanay niya. “No!” mariing sagot ng komedyana.
“Feeling ko nga kami ang naging pabigat sa kanya, eh, sa rami ng napagdaanan niyang stress sa buhay. Hindi naman lahat ng magkakapatid ay perpekto. May lalabas na isa o dalawang pasaway kasi nag-iisip siya lagi.
“Kasi minsan umiiyak at sabi niya, ‘yung bunso kong kapatid kailangan ng ganito, ng ganyan kasi kailangan na niyang umuwi kasi nasa Dubai.
“Kung napapanood n’yo ‘to ha, hindi ko kayo sinisisi (mensahe sa mga kapatid). Hindi ko kayo sinisisi kung bakit nagkasakit si mama. Pero I think it’s one of the reason kung bakit siya lumala din.
“Kasi nakikita ko si mama, ako kasama ni mama araw-araw. Hindi n’yo nakikita ‘yung nararamdaman niya kasi malayo kayo, eh. Nakikita ko kung paano nai-stress ‘yung matanda.
“Nakikita ko kung paano umiiyak ‘yung matanda dahil iniisip niya kayo, pinoproblema niya kayo. Minsan nga to the point na nagsisinungaling na sa akin makahingi lang ng pera para ibigay sa kanila (mga kapatid).
“Hindi ko kayo sinisisi again ha, sinasabi ko lang sa inyo kasi ako nga ang kasama niya araw-araw. Nakikita ko ‘yung pinagdaraanan niya araw-araw pag tine-text n’yo siya pag sinasabi ninyo ‘yung mga problema ninyo kasi hindi ninyo sinasabi sa akin ng direkta, sinasabi n’yo sa matanda.
“Umiiyak ‘yung matanda hanggang sa magsisinungaling para lang may maibigay sa inyong pera,” pagtatapat ni Pokwang sa paniniwala kung bakit nagkasakit ang ina.
Bakit hindi makadiretso ang mga kapatid niya kapag kailangan ng tulong? “Dumating na ako sa punto siguro mare (tawag kay Ogie) na enough na, tama na. May pamilya na akong sarili. Kanya-kanya naman tayong sikap.
“Ang tagal na, ilang taon na kayong binigyan ng chance. Alam mo naniniwala ako ang tao kapag gustong umangat sa buhay kahit bigyan mo ng isang libo palalaguin niya ‘yan.
“Hindi, eh. Ilang beses ko nang abutan pagpanimula ng negosyo hindi nagtatagumpay. Hindi nila pinagyayaman, hindi nila pinagyayabong hindi talaga, eh.
“May nakikita naman akong ibang tao na binigyan ng ganito, pero nakita mo lumago. Bakit kayo hindi ninyo magawa, e, ilang beses na kayong nabigyan traysikel, may pangkarinderya at kung anu-ano nga, eh.
“Sabi ko nga pag ang tao gusto talagang umasenso, isang beses mo lang bigyan ng pang negosyo palalaguin niya ‘yan dahil mahihiya ulit humingi sa ‘yo. Hindi puwedeng idahilan ng ‘kulang, eh,” detalyadong kuwento ng aktres.
Isa pang ikinasasama ng loob ni Pokwang ay nasabihan siya ng ilang kapatid na lumaki na ang ulo niya.
“Kasi may mga gusto silang hindi ko maibigay kasi nga again meron na akong pamilya. May anak akong binubuhay at hindi porke artista ako kumikita ako ng malaki, hindi laging gano’n,” garalgal na ang boses na sabi ni Pokie.
“May mga obligasyon din ako. Hindi naman puwedeng lagi na habambuhay karga-karga ko sila. Pag meron naman, nag-aabot naman di ba? Pero sana pag hindi napagbibigyan huwag nang magsasalita ng kung anu-ano (sabay punas ng mga luha sa mata).
“Alam n’yo naman ‘yung buhay natin, pinagdaanan natin. Hindi naman tayo ipinanganak na mayaman. Pakita n’yo naman ‘yung kanya-kanyang pagsisikap natin,” umiiyak na kuwento ng komedyana.
Saka niya inamin na may ilang kapatid siyang hindi sila okay, nakapagpalitan kami ng masasakit na salita. Bakit kasi kailangan kong kargahin lahat. Tingin n’yo ako ‘yung kumikita.
“May obligasyon din ako at itong trabaho ko hindi ito panghabambuhay, di ba? Mawawala at mawawala rin ‘yung kinang mo. Hangga’t nandidito ako at kaya ko para (ito) sa mga anak ko. Tapos na ako do’n sa para sa iyo, para sa inyo. Tama na tapos na ako,” umiiyak na panawagan pa ni Pokwang.
Ang mahalaga ay naibigay na ni Pokwang ang para sa ina nila at nakatulong din siya sa mga kapatid niya.
Nagugulat pa raw siya na minsan magte-text ang kapatid niya na pawang masasakit ang sinasabi tungkol sa kanya. At hindi raw lumapit sa mga kapatid niya si Pokwang nang magkasakit ang nanay nila.
Kung dalaga nga lang daw si Pokwang at walang iniintinding anak ay baka ibigay nito ang lahat ng gustuhin ng mga kapatid.
View this post on Instagram
https://bandera.inquirer.net/291472/pokwang-tinulungan-ni-kris-noong-mawalan-ng-trabaho-sa-abs-cbn
https://bandera.inquirer.net/281350/pokwang-sa-lahat-ng-magulang-na-lumalaban-para-sa-pamilya-wag-tayong-susuko
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.