Willie Revillame
APAR na araw nang puro replay ang programang “Wowowin” sa GMA 7 dahil naka-quarantine pala sa kasalukuyan ang host nitong si Willie Revillame.
Si Nanay Cristy Fermin ang nagbalita nito sa kanyang “Cristy Ferminute” online show na napapanood sa Facebook (OnePHon) at Cignal Play App kasama si Romel Chika kaninang hapon.
Panimula nito, “Ang akala ko naman dahil sumobra ang pagod ni Willie bago nagtapos ang taon dahil personal pa siyang nagpunta sa Katimugan para personal siyang magbigay ng tulong sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Odette.
“Akala ko nagpaalam siya sa GMA 7 para ipapahinga naman niya ‘yung mga unang araw ng taon.
“Pero hindi ako naniniwala sa sarili kong isip, kilala ko si Willie mas gusto niyang nagtatrabaho kapag Bagong Taon. Kung tatapat nga ng Lunes ang Bagong Taon baka nga magtrabaho siya, eh, parang ganu’n hindi siya sanay ng walang ginagawa,” sabi ng host at veteran columnist.
At dito nga nabanggit na naka-quarantine ngayon si Kuya Wil dahil nagpositibo sa COVID-19 ang staff ng “Wowowin.”
“Kaya po siya wala sa Wowowin: Tutok to Win ay bilang pag-iingat po sa kanyang sarili, sa kanyang mga mahal sa buhay, at mga katrabaho.
“May mga positive siyang kasamahan sa programa at ang pinakamatindi, nag-positive po ang kanyang make-up artist na si Berns, si Bernadette.
“So, naka-quarantine po si Willie, pitong araw, si Berns naman 14 na araw. ‘Yun po ang dahilan kaya wala si Willie.
“Sabi nga niya (Willie), ‘nakakatakot ang panahon ngayon. Hindi mo alam kung sino ang meron at sino ang wala.’
“Me mga taong kaharap natin Romel na hindi naman natin agad-agad natatanong lalo na kung hindi naman natin ka-close!” buong kuwento ni ‘Nay Cristy.
Sang-ayon naman si Romel Chika, “Oo nakakahiya ‘yun, di ba ‘Nay?”
Dagdag pa ng “CFM” host, “Bakunado ka na ba? Tinamaan ka na ba? Positive ka na ba? Napakahirap pong itawid ng tanong na ‘yan. Parang ang tanong na ‘yan, eh, ‘anong age mo? Ilang taon ka na?’ nakakahiya!
“So, ang nangyayari ngayon naka-quarantine po si Willie hanggang bukas (Biyernes) po siguro ‘yan. Baka po hopefully sabi niya sa Monday makapag-live na siya at ‘yun naman po ay ginawa niya bilang proteksyon sa kanyang mga nasasakupan.
“E, papasok nga naman siya kung hindi siya ang makapanghawa, siya ang mahahawa, di ba?” sabi pa ni Nay Cristy.
“Oo para safe na ang lahat, nakakatakot na talaga,” saad ni Romel Chika.
Idinagdag din ni ‘Nay Cristy na lahat ng network ngayon kasama ang TV5 ay maraming nagpopositibong mga empleyado sa COVID-19.
“Kaya kokonti ang mga tao sa mismong building pag sumigaw ka raw, nag-e-echo kahit saan, kahit saang opisina lalo na po ngayon na tripleng tumataas ang mga nagpopositibo sa mga kababayan natin.
“E, ngayon pang mga panahong ito, umubo ka lang at sumipon, pagbibintangan ka nang may COVID-19,” pahayag ng batikang manunulat.
https://bandera.inquirer.net/283849/willie-umaming-nalugi-ng-p140-m-dahil-sa-wowowin
https://bandera.inquirer.net/294906/willie-atras-na-sa-2022-hindi-ko-pa-kayang-gumawa-ng-batas-baka-sayang-lang-ang-boto-nyo-sa-akin