Vice Ganda kasama ang iba pang host ng It’s Showtime
IBINANDERA ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda ang inihahandang bonggang-bonggang pasabog ng ABS-CBN para sa “It’s Showtime” ngayong Bagong Taon.
Ayon sa TV host-comedian, maraming dapat abangan ang madlang pipol ngayong 2022 kabilang na ang posibleng “plot twist” sa Kapamilya noontime show.
Sa episode ng programa kahapon, Dec. 30, nagpahaging si Vice na may nararamdaman siyang pasabog na kaganapan sa “Showtime” sa pagpasok ng Bagong Taon.
“Feeling ko may bonggang plot twist ang Showtime. I’m claiming it. Madlang pipol, you will be very happy ‘pag nangyari ang plot twist na ito. Kasama kayo sa plot twist na ito,” masayang chika ni Vice.
Kitang-kita naman sa mga reaksyon ng kanyang mga kasamahan at co-host sa show ang kanilang excitement kaya kinulit nila si Vice tungkol dito. Pero hindi na ito nagbigay ng karagdagang detalye.
* * *
Nagsalo ang mga Filipino sa buong mundo sa mga awitin ng pag-asa at nakaaantig na kwento ng mga survivor ng bagyong Odette sa isinagawang “Tulong Tulong sa Pag-Ahon: Andito Tayo Para Sa Bawat Pamilya” benefit concert ng ABS-CBN kamakailan.
Habang todo bigay ang Kapamilya stars sa pag-alay ng kanta sa mga naapektuhan ng bagyo, todo bigay rin ang mga Filipino sa pagpapadala ng donasyon sa kanilang panonood ng concert na ipinalabas ng live sa ABS-CBN Entertainment YouTube at Facebook accounts, iWantTFC, cable TV channel TeleRadyo, at TFC IPTV.
Patunay na laging nandito ang mga Pinoy upang tumulong sa pag-ahon ng ating mga kababayan, nagsilbing paisimula sa online fund drive na “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Andito Tayo Para sa Bawat Pamilya” ng ABS-CBN Foundation para sa relief efforts at mga proyekto nito para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
Kabilang sa mga naghandog ng kanilang oras at talento ang hosts na sina Robi Domingo, Bianca Gonzalez, at Bernadette Sembrano, kasama ang mga bigatin at sumisikat na singer na sina Jona, Jed Madela, Nyoy Volante, Angeline Quinto, Jeremy Glinoga, Sheena Belarmino, Kyle Echarri, Angela Ken, Gigi de Lana at GG Vibes, at si Mr. Pure Energy Gary Valenciano.
Tinugtog rin ng “PBB Kumunity Season 10” celebrity housemates na sina Alexa Ilacad, Alyssa Valdez, Anji Salvacion, Brenda Mage, KD Estrada, Madam Inutz, at Samantha Bernardo ang kanilang mga orihinal na komposisyon habang nag-iwan din ng mensahe para sa kanilang mga kababayang nasalanta sina Brenda, Sam, at Anji.
Ipinaliwanag naman ng ibang ABS-CBN stars tulad nina Coco Martin, Gerald Anderson, Belle Mariano, Alvin Elchico, Doris Bigornia, Seth Fedelin, Andrea Brillantes, Julia Montes, at Piolo Pascual ang iba’t ibang paraan upang tumulong at kung gaano kahalaga ang tulong ng bawat isa, salapi man o mga donasyong kagamitan tulad ng de lata, bigas, tubig, hygiene kits, at kumot.
“Ang apat na raang piso ay makapagbibigay ng pagkain sa isang pamilya na sapat sa tatlong araw. Ang malaking halaga naman po ay makakatulong po sa ibang aspeto ng pagbabangon mula ngayon hanggang sa susunod na taon. Sana po ay tumulong tayo mga kapamilya,” ani Coco.
https://bandera.inquirer.net/297595/vice-napaiyak-nang-muling-mag-concert-sa-us-na-stress-talaga-ko-bigla-akong-natahimik