John Arcilla at Dingdong Dantes
NANINIWALA ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na manunumbalik din ang sigla ng movie industry lalo’t bukas na uli ang mga sinehan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Unti-unti, maibabalik natin ‘yan, kasi mahal na mahal natin ang industriyang ito,” ang bahagi ng pahayag ng award-winning actor na bida sa 2021 Metro Manila Film Festival entry na “A Hard Day.”
Isang magandang senyales ngang maituturing ang pagbabalik sa sinehan ng taunang filmfest na kahit paano’y pinipilahan pa rin naman ng publiko kahit hindi pa tuluyang nawawala ang pandemya dulot ng COVID-19.
“The answer is here. Bumabalik na tayo, although slowly, not totally yet. At least, nagsimula na tayo dito sa MMFF this year. I guess because of so many opportunities later on,” sabi ni Dingdong sa isang panayam.
“Gagawin nating lahat para mabuhay ulit ito at marami pang Filipino ang magka-confidence na manood ulit ng sine,” dagdag pa ni Dong.
“More than anything, I’m more worried na hindi na tayo makakabalik. We got to start somewhere and now is a very good opportunity because everything is opening up. Thank God, bumababa na ang mga (COVID) cases.
“Mas natuto na tayo on how to really manage this pandemic. Hindi naman pwedeng hindi na bumalik ang mga dati nating ginagawa. Kailangan nating mabuhay at magkwento. Kailangan nating magpakita ng ganitong klaseng pelikula,” lahad pa ng Kapuso actor at TV host.
Very thankful and grateful din si Dingdong dahil nakasama nga ang “A Hard Day” sa MMFF ngayong taon.
“After everything that has transpired, after more than a year, we’re just really happy to be sharing this project with everyone.
“Especially dito sa MMFF, maipalalabas na ang movie. Simbolo na bumabalik na ang movies, kahit slowly,” sey pa ng aktor sa nasabing panayam.