BINATI namin ang isa sa mga producer ng mga pelikulang “Big Night” at “Kun Maupay Man It Panahon” na si Atty. Joji Alonso ng Quantum Films matapos humakot ng awards sa katatapos lang na 2021 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal.
Nakipag-chat kami kagabi kay Atty. Joji at binati namin siya dahil nga sa pagiging big winner niya dahil dalawang pelikula niya ang humakot ng tropeo sa taunang filmfest.
Natawa muna siya (nag-send ng emojis) sabay sabing, “Pero ang hina ng mga pelikula.”
Sang-ayon naman si Atty. Joji sa sinabi naming “mahal po kasi ang tickets” lalo’t nasa pandemya pa rin tayo.
Pero hindi rin pala katwiran ito dahil marami kaming nabasa na inilalaan nila ang pera nila sa bagong “Spider-Man” na magbubukas pa sa Enero, 2022 at sana raw ay hindi muna itinuloy ang MMFF 2021.
Kaya pala ang acceptance speech ni Atty. Joji nang tanggapin niya ang award para sa 2nd best picture na “Kun Maupay Man It Panahon” ay sana tangkilikin muna ang pelikulang Pilipino.
Aniya, “Para po sa nagsasabi na sana, hindi natuloy na ang MMFF at mauna na po si Spider-Man, pakiantay na lang po sa January 8, please.
“In the meantime, tangkilikin naman po natin ang pelikulang Pilipino! Sobra-sobra po naming pinaghirapan lahat ang paggawa ng mga pelikulang ito.
“Sana naman po, huwag niyo naman po kaming pabayaan. Kasi, this is for everybody. Paano na lang po tayo pag wala na pong gagawa ng pelikula? So, please support Filipino films! Salamat po!” pakiusap ng producer.
Samantala, inialay naman ng festival best actor ngayong taon na si Christian Bables sa mga biktima ng extrajudicial killing o EJK ang kanyang speech nang tanggapin ang kanyang tropeo.
“Let me fight with you through my art,” sambit niya.
Samantala, pinasalamatan naman ni Christian sina Direk Jun Lana at Perci Intalan dahil sila ang nagbigay ng big break sa aktor sa pamamagitam ng mga pelikulang “Die Beautiful” na sinundan ng “Panti Sisters.”
Walang napanalunan ang mga pelikulang “The ExorSis,” “Nelia,” at “Love at First Stream”. Mabuti na lang at nakahirit ng Best Theme Song (Umulan Man o Umaraw) ang pelikulang “Huling Ulan Sa Tag-Araw” at Best Float ang “Huwag Kang Lalabas.”
Hindi man nanalo si Daniella Stranner sa kategoryang Best Actress ay masayang-masaya pa rin siya dahil big achivement na sa kanya ang natanggap na nominasyon.
Ano kayang nangyari kay Rita Daniela na bida sa pelikulang “Huling Ulan Sa Tag-araw” dahil tila hindi siya nag-exist sa mga mata ng hurado? Ito’y sa kabila ng papuri sa aktres ng mga nakapanood sa pelikula nila ng ka-loveteam na si Ken Chan.
Anyway, sana’y makatulong ang mga award na natanggap ng mga pelikulang kasali sa MMFF 2021 para mas marami pa ang manood sa mga sinehan.
Mula sa BANDERA, binabati namin ang lahat ng winners sa 2021 MMFF.