Mariane Osabel
PLANO ng “The Clash” season 4 grand champion na si Mariane Osabel na mag-donate ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng super typhoon Odette.
Ayon kay Mariane, nais niyang ibahagi sa mga nabiktima ng bagyo sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang napanalunan niya sa katatapos lang na “The Clash” sa GMA 7.
Humarap ang biriterang taga-Iligan City sa ilang members ng entertainment media via virtual mediacon nitong nagdaang Dec. 22 at dito nga niya nabanggit ang mga plano niya pagkatapos maging kampeon sa reality singing search ng Kapuso network.
Bukod sa pagdo-donate sa mga nawalan ng bahay at kabuhayan sa mga lugar na sinalanta ni Odette, personal din siyang maglulunsad ng isang virtual concert for a cause kasama ang mga batchmates niya sa “The Clash.”
“Gusto ko pong tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette. Plano ko po maki-collaborate sa mga co-clashers ko and gusto ko pong mag-virtual concert for a cause at ibibigay ko po ‘yung nalikom namin sa mga nasalanta ng bagyong Odette,” pahayag ni Mariane.
Nabanggit ng dalaga na balak din niyang magtayo ng sariling negosyo mula sa napanalunang cash sa “The Clash” at maglalaan din siya ng sapat na halaga para sa nakatatanda niyang kapatid na si Arne na isang kidney transplant patient.
Pahayag ni Mariane, isa ang kanyang Kuya Arne sa mga inspirasyon niya lalo na pagdating sa pagkanta. Isa sa mga ipinagpapasalamat niya sa Diyos ngayong 2021 ay ang paggaling ng kapatid, na 17 years ang agwat ng edad sa kanya.
“Kasi si Kuya Arne kidney transplant patient, and last year lang kritikal po ‘yung condition ni Kuya and, miraculously, nagamot po siya.
“Sobrang naka-witness po ako ng miracle na ‘yun po ‘yung isa sa mga inspiration ko na grabe si Lord talaga.
“Sobrang pray po namin no’n and parang nawalan na rin po kami ng pag-asa and tinuloy-tuloy lang po namin ‘yung prayers para kay Kuya and, miraculously, nasagot po.
“So isa po ‘yun sa isa sa mga pinasasalamatan ko na in good health si Kuya Arne at ‘yung family ko,” lahad pa ng “The Clash” champion.
Dagdag pang kuwento ni Mariane, ang kanyang Kuya Arne ang unang taong naniwala at nagsabi sa kanya na siya ang mananalo sa “The Clash 2021.”
Bukod sa P1 million cash, magkakaroon din si Mariane ng exclusive contract sa GMA 7 at bagong house and lot na aabot sa mahigit P4 million.
https://bandera.inquirer.net/300993/ultimate-siren-ng-iligan-mariane-osabel-itinanghal-na-the-clash-4-grand-winner-wagi-ng-p1-m-house-lot