Jennylyn, Dennis namigay ng pera sa sekyu, magtataho, delivery rider; 10 pamilya pinaligaya ngayong Pasko

Jennylyn Mercado at Dennis Trillo

SAMPUNG pamilya ang pinaligaya  ng Kapuso couple na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Nag-share ng blessings ang mag-asawa nitong nagdaang Pasko sa pamamagitan ng pag-aabot ng kaunting tulong sa mga nangangailangan nating kababayan.

Sabi ng Kapuso Ultimate Star, ito’y isang maliit na bagay lamang na nais nilang gawin ni Dennis bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang natanggap nila ngayong 2021, kabilang na ang kanilang magiging baby.

“Napakaraming blessings talaga ‘yun dumating sa buhay namin kaya lubos kaming nagpapasalamat sa Diyos, sa aming pamilya at sa lahat ng nagmahal sa amin,” pahayag ni Jennylyn sa isang vlog.

At bilang pasasalamat at maagang pamasko na rin, namigay ng mga regalo ang celebrity couple sa ilang residente na nadaanan nila sa lansangan.

Kabilang na sa masusuwerteng nakatanggap na regalong cash mula sa mag-asawa ay magtataho, delivery rider at security guard na talagang tuwang-tuwa nang iabot sa kanila ni Dennis ang kanilang regalo.

Pahayag pa ni Jen, “Sabi nga nila, Christmas is all about giving and sharing your blessings at napakasarap naman din talaga makatanggap o makapagbigay ng regalo.”


Mapapanood din sa video sina Jen at Dennis habang papunta sa hospital para sa check-up at cervical ultrasound ng Kapuso star.

Dito, tinulungan din nila ang nakasalubong nilang mag-iina na mga nakaupo nasa gilid ng kalsada at ang magkakapatid na nangangalakal ng basura.

Binigyan din nila ng regalo ang isang ice cream vendor pati na ang lolang nagtitinda ng basahan.

Kung matatandaan, ikinasal sina Jennylyn at Dennis nito lamang nagdaang Nov. 15, 2021 sa pamamagitan ng isang civil wedding sa Quezon City. 

Ipinagbubuntis din ni Jen ang unang baby girl nila ni Dennis. Medyo sensitibo ang pagdadalang-tao ng aktres kaya hands-on talaga ang pag-aalaga sa kanya ni Dennis.

https://bandera.inquirer.net/298800/jennylyn-dennis-magkaka-baby-girl-na

https://bandera.inquirer.net/300286/jennylyn-iniwan-agad-ni-dennis-1-araw-pagkatapos-magpakasal-siyempre-nakakalungkot

https://bandera.inquirer.net/296859/jennylyn-bibida-pa-rin-sa-love-die-repeat-balik-taping-pagkatapos-ang-panganganak

Read more...