Michael V at Willie Revillame
TAWA kami nang tawa sa isang episode ng “Wowowin” kamakailan kung saan si Michael V ang nakasama ng Kapuso viewers dahil absent si Willie Revillame.
Lumiban muna ang TV host-comedian sa kanyang pang-araw-araw na game show cum public service program para personal na dalawin ang mga kababayan nating nasalanta ng super typhoon Odette.
Sumama si Willie kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-iikot nito sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao na napuruhan ng bagyong Odette kung saan libu-libong residente ang nawalan ng bahay at kabuhayan.
Kaya naman bilang pansamantalang host ng “Wowowin”, si Bitoy ang namigay ng mga papremyo sa masusuwerteng tagapanood ng programa.
Dito, ginamit ng Kapuso comedy genius ang kanyang karakter sa panggagaya kay Willie Revillame sa “Bubble Gang” — si “Kuya Wowie” kung saan kuhang-kuha niya ang mannerisms ang boses ng TV host.
At sa nakaraan ngang “Tutok To Win” segment, hindi agad naniwala ang isang lucky contestant na tinawagan ni Bitoy dahil inakala nito na bogus o budol-budol gang ang kausap niya sa cellphone.
Tinanong ni Michael V kung sino ang nasa kabilang linya na sinagot ng contestant ng, “Ikaw, sino po kayo? Kayo po unang tumawag?”
Sagot ni Bitoy sa kanya, “Hulaan mo. ‘Di mo ba ako nabobosesan? Nanonood ka bang TV ngayon? May dala akong pamasko para sa ’yo.”
Pero bago pa makapagsalita uli si Bitoy, binabaan na siya ng kanyang kausap. Tawa naman nang tawa ang komedyante sa nangyari.
Muling tinawagan ni Bitoy ang maswerteng viewer, pero busy na ito. Tinawagan nila uli ang contestant at nang sumagot ito uli ay agad na siyang nagpakilala.
“Ako ’yung tumawag kanina. ’Di mo ba ako nabobosesan? Nanonood ba kayo ng ‘Wowowin?’
“Hindi ako si Kuya Wil. Ako si Kuya Wowie. Ako ang host ngayon ng ‘Wowowin,’” pagpapakilala ni Bitoy sa kausap sa kabilang linya.
Tuwang-tuwa naman ang lucky caller na siya ang napiling winner sa “Tutok To Win” nang gabing iyon at feeling blessed daw siya dahil kailangang-kailangan daw talaga nila ng pera ngayon.
Aniya kay Bitoy, isa raw siya sa mga residente sa Cebu na matinding naapektuhan ng typhoon Odette. Winasak daw talaga ng bagyo ang kanilang bahay at wala na rin daw silang makain.
Sabi ng caller kay Michael V, napakalaki na ng maitutulong ng P20,000 sa kanilang pamilya at ilang kaanak na nangangailangan din ng tulong ngayon.
Bukod daw sa pagbili ng mga pagkain at tubig, ipagagawa rin daw nila agad ang kanilang bahay sa Cebu na nasira dahil sa bagyong Odette.
https://bandera.inquirer.net/283849/willie-umaming-nalugi-ng-p140-m-dahil-sa-wowowin