Ogie Diaz may babala sa mga magulang na ginawang ‘hanapbuhay’ ang Pasko

Ogie Diaz may babala sa mga magulang na ginawang 'hanapbuhay' ang Pasko

MAY shout out si Ogie Diaz sa mga nanay na bitbit ang mga anak para mamasko sa kanilang mga ninong at ninang.  Okay naman daw iyon pero kung magsasama pa ng iba na hindi naman inaanak para maambunan din ng pamasko ay maling-mali na ito.

Nakaka-relate kami sa post na ito ng talent manager/vlogger dahil marami rin kaming kakilalang ganito ang gawain sa mga ninong at ninang nila.

Post ni Ogie sa kanyang Facebook account.

“Sabi ng isang kumare na di ko naman ka-close (kaya hindi ko rin inatenan ang binyag), wag daw ako aalis ng bahay sa Pasko dahil pupunta sila ng inaanak ko at mamamasko sila.

“Sila rin ‘yung isa lang ang inaanak mo, pero pati mga pinsan, kapitbahay, bitbit. Tapos, nakasimangot pa sila pag binigyan mo ng Christmas souvenir. Gusto nila, me kasamang pera.

“At dahil artista ka, mataas expectation nila kung magkano ibibigay mo, pero binigyan mo pa din kahit mga “surprise guests” lang sila.

“May maririnig ka, bubulong pa ng, “Eto lang? Sana pala, di na tayo sumama.”

Ano to? Parang kasalanan ko pa na sumama sila?

“Kaya ‘yung nanay ng diumano’y inaanak ko, sinabihan ko. “Next time, pag nagbitbit ka pa ng marami, yun mismong ibinibigay ko sa anak mo, paghahati-hatiin ko sa mga kasama mo. Okay ba sa yo?”

“Ay, hindi na po. Kami na lang po.”

“Ang Pasko ay totoo namang araw ng mga bata ‘yan. Pagbibigayan. Lalo na kung nakakaluwag-luwag ka, share your blessings.

“Pero’ yung ipamulat mo sa mga anak mo na “kailangan kayong kumita pag Pasko,” ay hello! Wait lang, ha?

“Una sa lahat, kung kukuha kayong ninong at ninang ng anak nyo, dapat mga ka-close ninyo at alam nyong maaasahan nyo pag nawala kayo sa mundo.

“Siya nga ang pangalawang magulang, di ba? Kasi kaya mong ipagkatiwala ang anak mo sa kanya or sa oras na kailangan ng payo o gabay ng bata at di na nakikinig sa magulang, andiyan si ninong o si ninang. Kasi nga, close kayo.

“Kaya sa mga nagpaplano ng binyag ng anak diyan, okay na ang konting ninong at ninang, basta maaasahan.

“’Wag kayong kukuha ng ninong dahil ang gusto nyo lang eh me ninong o ninang na sikat at kilala ang anak nyo, pero di nyo naman ka-close.

“Yung kinamulatan natin nung araw na ginagawang hanapbuhay ang Pasko, ipahinga na natin, dahil masa-shoutout lang kayo sa social media pag OA na ang paghingi ng aginaldo.”

Komento naman ng dating aktres na si Dionne Monsanto Stalder, “Sa atin lang yata uso na nay sampung ninong at sampung ninang ‘yung bata. Dito (Switzerland) 2-3 lang ang godparents na pwede. And you can say no if ayaw mo ng ganun kalaking responsibilidad. Kasi habambuhay na commitment yun.”

Anyway, umabot sa 13k shares ang post na ito ni Ogie na ibig sabihin ay marami ang sang-ayon dito at sana nga matigil na ang ugaling ginagawang hanapbuhay ng mga magulang ng bata ang araw ng Pasko.

 

Related Chika:
Elisse, McCoy may baby na, kinuhang ninong si Big Brother: Siya po ang lucky charm namin!

 

Read more...