Willie busy sa pagtulong sa nasalanta ng typhoon Odette; absent muna sa ‘Wowowin’

Willie busy sa pagtulong sa nasalanta ng typhoon Odette; absent muna sa 'Wowowin'

Willie Revillame | Photo from PCOO

DALAWANG  araw na hindi napanood sa “Wowowin” si Willie Revillame dahil kasalukuyan siyang nag-iikot sa Visayas at Mindanao para mamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng super typhoon Odette.

Base sa kuwento ni ‘Nay Cristy Fermin sa kanyang online show na “Cristy Ferminute” kasama si Romel Chika nitong Miyerkoles ng hapon.

Aniya, “Si Willie po ay nag-text sa akin, umalis po siya kanina (Miyerkoles) pagsikat ng araw at ang kanyang grupo ay lumipad na po papuntang Siargao at plano rin po nilang pumunta ng Negros Occidental at Oriental ganu’n din po sa Bohol, sa Cebu at iba pang lugar.

“Ang sabi niya, ‘nasa chopper ako ngayon malapit na kami sa Siargao, magkikita kami ni Senator Bong Go at ng mahal na pangulo (Rodrigo Duterte) mamaya. Tapos kaninang alas dos (hapon), landed in Surigao.. o sa Surigao sila nauna.

“Alam n’yo po mga kapatid nagsimula poi tong ideya ni Willie Revillame na magpunta sa katimogan dahil kay Kapatid na Ted Failon.

“Kahapon po ng umaga ay nakikinig siya kay Ted at marami pong binitiwan na opinyon at komento si kuyang Ted kung paano makatutulong ang marami sa atin lalo na po ‘yung may mga pribadong sasakyang panghipapawid at si Willie ay mayroong dalawang chopper at meron din siyang yate

“Tinawagan niya ako at sabi niya, ‘Inang, mag-usap nga kami ni kuyang Ted pagkatapos ng show niya, so pinag-ano (usap) ko sila hanggang sa dumating po sa punto na si Willie ay mawawala po sa Wowowin (simula kahapon) at ang papalit ay si Michael V muna.

“Dalawang araw (kasama ngayon) kasi doon siya matutulog ngayong gabi. Sabi niya sa akin, ‘di ba ang suwerte-suwerte ko naman Inang? Sana sa ganitong paraan makapagbahagi ako ng tulong sa mga kababayan nating na talagang hirap na hirap sa buhay ngayon dahil sa pananalanta ng bagyo.

“So, kanina pagsikat ng araw lumipad na po sila at apat na oras pala iyon by chopper, at sa ngayon po ay nag-iikot nap o si Willie REvillame kasama ang kanyang mga kaibigan.

“Nanghiram pa siya ng isa pang chopper sa mga kaibigan niya na pupuwedeng paglagyan ng mga pinamili niyang ayuda, ‘yung kasing isang chopper niya maliit, itong dinala niya ay medyo may kalakihan at nagkarga rin sila ng mga kagamitan na maaring ibigay sa katimogan.”

Maraming probinsya ang iikutin nina Willie kasama ang grupo niya kaya humiling siya kay senador Bong Go ng gasolita para sa chopper. Sa pagkakaalam namin ay iba ang gasoline ng chopper at mahal depende kung gaano kalaki ang tangke.

“Sabi ni Willie kay senador Bong Go na kapag nandoon na sila ay kung puwedeng aamot ng gasoline sa mga sasakyang himpapawid ng gobyerno, ‘yun ang hiniling niya kay senator Bong Go.

“Kasi ‘yung gasoline niya mula rito (Manila) hanggang Surigao, natural sa pag-iikot nila gusto niyang puntahan kasi mga liblib na lugar na hindi naabot dahil ang dami-daming mga kahoy na nakaharang sa kalye, wasak po ang mga kalsada. Kaya chopper lang talaga (ang puwedeng makarating).

“Nanghiram din siya kay senator Bong Go ng satellite phone para mayroon siyang komunikasyon kasi pag hindi satellite phone walang internet doon, walang kuryente, walang signal, wala lahat.

“So, Willie po talaga, nakita naman po natin hindi siya kumakandidato, umurong sa pagkandidato pero sabi nga niya sa ganitong panahon ako tumulong talaga kasi napakabait naman sa akin ng Diyos,”kuwento ni ‘nay Cristy sa CFM show niya.

Nag-donate rin si Willie ng tig-iisang milyon sa siyam na munisipalidad ng Siargao: Dapa, Burgos, Del Carmen, General Luna, San Benito, San Isidro, Pilar, Santa Monica, at Socorro.

Sa rami ng mga taong natutulungan ni Willie ay sobra-sobrang blessings ang bumabalik sa kanya kaya niya ito ibinabahagi sa mga nangangailangan.

At habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pa kaming nakuhang update mula kay ‘nay Cristy.

 

Related Chika:
Willie atras na sa 2022: Hindi ko pa kayang gumawa ng batas, baka sayang lang ang boto n’yo sa akin

 

Read more...