Christian Bables kay Direk Jun Lana: Natatakot po ako sa kanya na nahihiya

Christian Bables, Perci Intalan at Jun Lana

BASE sa napanood naming trailer ng mga pelikulang kasali sa 2021 Metro Manila Film Festival noong announcement ng Magic 8 ay tatlo ang naisip naming maglalaban-laban sa pinakamahusay na aktor — sina John Arcilla, Christian Bables at Dingdong Dantes.

Magkasama sina Dingdong at John sa “A Hard Day” ng Viva Films at sina Christian with John Arcilla rin sa “Big Night” mula naman sa IdeaFirst/Cignal/Octobertrain at Quantum Films.

Napanood na namin ang “Big Night” sa ginanap na press preview sa Cinema 5 Gateway Cineplex nitong Biyernes at ibang Christian Bables ang mapapanood dito kahit na bading ulit ang karakter niya, ibang-iba “Panti Sisters” at “Die Beautiful.”

Aminado ang aktor na sa tatlong pelikulang nagawa niya, sa “Big Night” siya nahirapan dahil binago rin ang kanyang pananalita rito. Mabuti na lang at Bisaya ang nanay niya kaya nagamit din niya ito sa movie.

“Sa first day po, may kasama akong nagtuturo, pero second day wala na, okay na ako,” sambit ng aktor.

Naikuwento pa ni Christian na ngayon lang siya nakampante kay Direk Jun Robles Lana dahil sa “Die Beautiful” daw ay natakot siya.

“Natatakot po ako na nahihiya, hindi ko alam kung paano ang ihaharap ko sa kanya, ngayong Big Night naramdaman ko ‘yung pagtitiwala sa kanya. Hindi ko rin siguro ito magagawa kung hindi ako guided ni direk bawa’t hakbang,” say ng aktor.

Inamin ni direk Jun na wala siyang nasa isip na gaganap sa bago niyang obra kundi si Christian at kung sakaling busy siya ay maghihintay siya kung kailan magiging available ang aktor.

Tungkol sa extrajudicial killings ang  “Big Night” na kontrobersyal talaga lalo na sa kasalukuyang pamahalaan pero wala namang binanggit sa kuwento kung sino ang nag-uutos nito at nu’ng isumite raw ito nina direk Jun at Perci Intalan sa MMFF ay hindi nila inaasahang papasa kaya ang tuwa nila nang makapasok.

Napagbintangang adik si Christian at gusto niyang linisin ang pangalan kaya lahat ng ipinagagawa sa kanya ng barangay chairman na si Eugene Domingo ay ginagawa niya, ang school principal na si Soliman Cruz na inuuto siya at si John na siyang responsable kaya napasok ang pangalan ng aktor.

May plano pala si John kay Christian, gusto siyang gawing tagabenta ng ilegal nitong negosyo na ayaw ng huli kaya nga niya nililinis ang pangalan niya tapos mapupunta pala siya sa ganu’ng trabaho.

Pero wala siyang choice dahil titigukin din pala siya kasama na ang pamilya kaya pumayag na rin siya at nagamit niya ang malaking perang kinikita para makatulong din.

Macho dancer sa gay bar ang karakter ni Nico Antonio na boyfriend ni Christian na mahilig sumali sa pakontes pero laging olats dahil may edad na, mas gusto ng mga huradong sina Ogie Diaz at Eugene Domingo ng mas bata.

At para ma-uplift si Nico na talunan lagi sa contest ay ginamit niya ang malaking perang kinikita kay John na ipanalo ang boyfriend niya, siya ang nag-produce ng pakontes.

Ibang klaseng boyfriend si Nico na hindi ‘yung pineperahan ang dyowang bading dahil sobrang mahal niya si Christian.

Sabi ni Nico kaya niya tinanggap ang karakter na dyowa ng bading, “Well, support ako kay Christian Bables after watching him sa Die Beautiful and seeing him bloom as an actor, I wanna work with this guy, sabi ko.

“And si direk Jun, I’ve worked with him sa Ang Dalawang Mrs. Reyes, ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya at pinagkatiwalaan niya ako sa role ko at napansin din ako kahit sobrang liit ng role. Sabi ko why not do this at sabi ni direk Jun, para sa akin ang role at ‘yun po ang nagpapayag sa akin,” aniya pa.

Markado ang karakter ni Janice de Belen bilang komadrona na walang lisensya dahil hindi naman siya nag-aral talaga, sabi nga ni Doc Martin del Rosario in a special appearance ay puwede siyang makulong dahil ilegal ang ginagawang pagpapaanak nito.

Pero ang sagot ni Janice, “Alam ko namang ilegal, kaso hindi ko kayang tanggihan lalo na ‘yung mga walang pambayad sa ospital.”


Agaw-pansin sa simula ng pelikula sina Direk Sigrid Andrea Bernardo at Dwein Baltazar na nag-aagawan sa red panty kung sino ang tunay na may-ari na nakarating pa sila sa barangay sa pamumuno ni Eugene bilang si Madam. Ang husay ng tatlo at tawang-tawa ang lahat.

Ang iba pang kasama sa “Big Night” bukod kina Janice, Nico, Uge at John ay sina Awra Briguela, Elora Espano, Ricky Davao, Gina Alajar at Gina Pareño.


https://bandera.inquirer.net/291454/christian-bables-imposibleng-ma-in-love-sa-bading-my-preference-ay-hindi-po-same-sex
https://bandera.inquirer.net/291758/christian-bables-kahit-ipis-ang-role-payag-ako-basta-makatrabaho-ko-lang-si-joel-lamangan

Read more...