Dingdong sa pagbisita nila ni Marian sa Jerusalem: Oh my God! Kakaibang experience talaga…tindig-balahibo!

Marian Rivera at Dingdong Dantes

NAKA-QUARANTINE ngayon ang Kapuso royal couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes matapos ang ilang araw na pananatili at paglilibot sa Israel.

Nitong Dec. 15 nakauwi ng Pilipinas ang mag-asawa mula sa Israel kung saan naging judge si Marian sa 2021 Miss Universe na ginanap last Dec. 13 sa Eilat, Israel. Sinamahan siya roon ni Dingdong na naging all-around husband niya ng ilang araw.

Bilang pagsunod sa pinaiiral na safety protocols ng pamahalaan, dumiretso ang mag-asawa sa isang IATF-accredited hotel sa Manila para sa mandatory quarantine.

At kahit nga naka-quarantine tuloy pa rin ang pagtatrabaho ni Dingdong dahil kahapon, Dec. 18, ay humarap muli siya sa ilang members ng entertainment media  via virtual presscon para sa pelikula niyang “A Hard Day” na official entry ng Viva Films sa 2021 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Dec. 25, 2021 hanggang Jan. 7, 2022.

Ang pelikulang “A Hard Day” ay Philippine adaptation ng blockbuster South Korean suspense-drama-action movie kung saan makakasama ni Dong ang isa pang award-winning actor na si John Arcilla.

Sa nasabing mediacon, kinumusta si Dingdong tungkol sa pagpunta nila ni Marian sa Israel, partikular na sa Jerusalem o Holy Land.


“Kababalik lang namin noong December 15 and so, parang ngayon nagsi-sink din lang lahat ng mga ginawa namin the past days.

“And masaya ako dahil nabigyan ako ng opportunity talaga na ma-witness lahat yun. Kasi ang role ko naman talaga, nandoon ako to support Marian kung anuman yung pangangailangan niya.

“But, you know, even as a part of her support group, nakita mo, na-witness mo talaga how important that event is not just for her but also for the world. We’ve got to see different advocacies,” masayang kuwento ng Kapuso Primetime King.

Dagdag pa ng mister ni Marian, “And kami, personally, nakapunta kami ng Jerusalem, isang bagay na talagang pinangarap lang namin noon at nagawa namin ngayon. So, lahat, among many others, talagang masasabi kong napakagandang experience.”

Nabanggit din niya na sa ilang araw na pananatili nila ni Marian sa Israel, ang kapalit naman nito ay ang sobrang pagka-miss nila sa mga anak na sina Zia at Ziggy.

“Now that we’re about to go home in the next couple of days, miss na miss na namin ang mga anak namin, so we can’t wait to be home soon.

“Alam nila hindi pa kami makakauwi kaagad kaya walang tigil sa kaka-video call. Kinukumusta namin sila. Medyo challenge lang noong nandoon kami dahil nauuna yung Pilipinas ng six hours so very, very limited yung time na nakakausap namin sila.

“Pero ngayon, we make sure na tsine-check namin sila from time to time. And very grateful kami na yung mga lola, nandoon para alagaan sila,” pahayag pa ni Dong.

Nagkuwento rin ang aktor tungkol sa naging experience nila ng kanyang wifey sa Jerusalem at balak daw nilang bumalik sa Israel para mabisita naman ang Bethlehem, ang lugar kung saan ipinanganak ni Virgin Mary si Jesus Christ.

“Bethlehem hindi, pero sa Jerusalem oo. Yung Stations of the Cross, sadly, hindi kami umabot sa Bethlehem kasi limited lang yung oras namin. Babalik kami,” pahayag pa ni Dingdong.

Inamin din niya na hindi rin niya napigilan ang maging emosyonal nang makapunta sa Jerusalem, “Ah oo! Grabe, lalo na yung tomb, yung final resting place Niya (Jesus Christ). Di ba, bago Siya mag-resurrect, nakapasok talaga kami sa loob.

“Talagang, oh my God, ibang klase! Kakaibang experience talaga. Tindig-balahibo!” aniya pa.

Pagpapatuloy pa niyang kuwento sa pagpunta sa Israel, “Ang Israel, sa ngayon, isa sa pinakamababang kaso ng COVID. In fact, if you ask around, they would say zero cases sila. Kaya ganoon sila ka-strict nang magkaroon ng isang kaso ng Omicron, talagang nag-lockdown sila.

“That’s the reason why muntik nang hindi matuloy yung pageant dahil yung buong bansa, isinara nila sa turista, so mabuti na lang pinayagan nila yun.

“Very, very strict sila. Every two days, nagpi-PCR test kami. Ganoon sila kasigurista pagdating sa health protocols. That’s why kahit papaano, kampante kami na alam namin na yung lugar kung nasaan kami ay very very safe.

“Pero siyempre, naka-mask pa rin kami all the time. Yung mga nakakasalubong nga namin sa kalsada, nagtataka, ‘Bakit kayo naka-mask kasi okay dito?’

“Pero siyempre, bilang respeto sa kanila, dahil kami hindi naman tagaroon, parang what if kami ang may dala? So, we still get the mask on.

“Pero nakakamangha na, in a way, normal na yung galawan nila doon. Normal na yung buhay, yung mga restaurant, normal operations, yung mga tao, nandoon na sila. Social distancing pa rin. In enclosed areas, in some areas, nire-require pa rin nila yung mask,” pagbabahagi pa ng “A Hard Day” lead star.

Samantala, huwag na huwag palalampasin ang official entry ng Viva Films sa 2021 Metro Manila Film Festival, ang “A Hard Day”,  showing na sa Dec. 25, in selected cinemas nationwide. Ito ay sa direksyon ni Lawrence Fajardo.


https://bandera.inquirer.net/299534/dingdong-kay-marian-rivera-ikaw-ang-miss-universe-ng-buhay-ko
https://bandera.inquirer.net/297667/dingdong-miss-na-miss-na-si-misis-at-2-anak-marian-payag-na-ba-sa-faceface-classes

Read more...