Kim super proud sa pinagdaanang pagsubok: My gosh, naka-frame na po lahat ng mga balita! Chos!

Kim Chiu

NEVER naisip ng actress-TV host na si Kim Chiu na lumipat sa ibang TV network at layasan ang ABS-CBN kahit na wala pa rin itong prangkisa.

Sa kabila ng panggigipit at pagpapasara sa kanyang mother station, buong-buo  pa rin ang pagmamahal, tiwala at loyalty ni Kim sa Kapamilya network.

Ipinagdiinan ng dalaga ang ginawa niyang pakikipaglaban sa ABS-CBN noong kasagsagan ng isyu sa franchise renewal last year.

Aniya pa, parang hindi naman makatarungan na bigla na lamang siya mapapanood sa ibang istasyon matapos ma-bash nang bonggang-bongga dahil sa viral at makasaysayan niyang “Bawal Lumabas” quote.

“Ang hirap nu’n. Tsaka, malaki ang utang na loob ko sa ABS-CBN dahil nga sa PBB (Pinoy Big Brother). Wala namang ibang naka-discover sa akin kung hindi si Direk Lauren (Dyogi). Parang nahihiya ako,” paliwanag ni Kim sa nakaraang mediacon at special screening ng pelikulang “Huwag Kang Lalabas”.


Ito ang official entry ng Obra Cinema sa Metro Manila Film Festival 2021 na mapapanood na sa mga piling sinehan simula sa Dec. 25. Isa itong horror trilogy at si Kim nga ang bibida sa episode na “Hotel” sa direksyon ni Adolf Alix, Jr..

Pahayag pa ng aktres, feel na feel naman daw niya ang pagmamahal at pagpapahalaga ng ABS-CBN sa pagpapakita niya ng loyalty sa loob ng 15 years.

“Opo, opo, sobra po. At sobra po ang pasasalamat ko sa ginawa nila sa akin.

“Parang hindi ko rin po alam kung ano ang nangyari sa akin nu’ng gabing ‘yon, ang dami kong nasabi na wala sa lugar. Pero naging kanta naman siya,” natatawang chika pa ng girlfriend ni Xian Lim na ngayon nga ay nasa GMA na.

Sa halip kasi na magpaapekto at ma-stress nang bonggang-bongga sa natanggap na pambabatikos sa kanya dahil dito ay bumangon, lumaban at nagpakapositibo pa rin si Kim hanggang sa naging kanta, teleserye, at ngayon nga ay isa na rin itong pelikula.
Pahabol pang pahayag ng dalaga, “Ginawa ko lang naman kung ano ang gusto kong gawin. Bukal sa puso ko at hindi naman kami pinilit du’n, kusa talaga namin yun.”

Dagdag pa niya, pagkalipas ng maraming ay babalikan at aalalahanin na lamang niya ang lahat ng pinagdaanang pagsubok,  “Siyempre, maaalala ko ang story of victory. Kasi, hindi ako nagpadala sa salita ng ibang tao.

“At saka, hindi ko naman yun ginawa nang mag-isa. Parang meron at meron palang tutulong sa akin kahit paano.

“Yung kahit sobrang lugmok ka na, meron talagang ise-send na someone para tulungan ka at itayo ka sa kinalalagyan mo,” sabi pa niya.

Sey pa ni Kim, talagang ipagmamalaki niya sa magiging mga anak niya ang lahat ng ito, “Opo naman. My gosh, naka-frame na nga po lahat ng mga balita! Chos lang! Ha-hahaha!  Sobrang masaya lang po ako na nalagpasan ko po yun. Hindi ako nagpatalo. Muntik na.”
https://bandera.inquirer.net/283503/kim-niregaluhan-ni-xian-ng-ootd-na-pang-motor-para-raw-ready-ako-umangkas-sa-kanya

Read more...