Kim Chiu
NA-MISS n’yo na ba ang manood ng Pinoy horror movie sa sinehan? Hinahanap-hanap n’yo rin ba ang classic movie ng Regal Films na “Shake, Rattle & Roll” tuwing Pasko?
In fairness, talagang isa sa inaabangan at pinipilahan ng mga moviegoers sa taunang Metro Manila Film Festival every December ay mga horror-suspense films.
Sa darating na 2021 MMFF na magsisimula sa Dec. 25, may isang horror film muli ang mananakot sa madlang pipol, ang 3-in1 movie na “Huwag Kang Lalabas”.
Tatlong episode ang mapapanood sa “Huwag Kang Lalabas” — ang “Kumbento” nina Beauty Gonzales at Elizabeth Oropesa; “Bahay” starring Aiko Melendez at Joaquin Domagoso; at “Hotel” na pinagbibidahan nina Kim Chiu at Jameson Blake.
Ito’y mula sa Obra Cinema at Cineko Productions sa direksyon ni Adolf Alix, Jr., na muli ngang nagbabalik sa horror genre matapos makagawa ng mga teledrama.
Sa naganap na face-to-face presscon ng pelikula na ginanap pagkatapos ng special screening nito sa Fisher Mall cinema 5, natanong ang cast members kung may naranasan ba silang nakakapangilabot habang ginagawa nila ang “Huwag Kang Lalabas.”
Unang nagkuwento si Dennis Evangelista, ang line producer ng movie, “Maraming kababalaghan na nangyari lalo na doon sa kumbento. Dalawang episodes ang ginawa namin sa Baguio. At the time na nag-shoot kami, pandemic.
“So may mga nilalagnat ng 38-39. Noong ginagawa namin yung ‘Kumbento’ episode, si Direk Adolf ang taas ng lagnat. Si Elizabeth Oropesa, known siya for having a third eye, so she’s claiming during shoot namin, ang dami raw multo na nakikita niya.
“May American, may mga madre. Change of weather din siguro, so nagkakasakit tapos gumagaling naman. Pahirapan ang shooting kasi limited din ang days namin. May nararamdaman ka talagang kakaiba sa lugar,” pahayag pa ni Dennis.
Ayon naman sa Kapuso actor na si James Teng, nakakatakot daw mapag-isa sa location nila, “Yung setting namin, tuluyan talaga siya ng mga madre.
“Every corner ng building na yun, may mapi-feel ka na mahirap mag-isa lalo na kung magsi CR ka. Medyo heavy talaga ang feeling kapag mag-isa ka lang doon. So yung mood ng area, nakatulong siya sa mga eksena namin kasi ramdam mo talaga na may kakaiba sa paligid,” lahad ng binata.
Natakot ba siya habang nagsu-shooting sila? “Kapag nagsi-CR lang po. Pinapaiwan ko talaga yung driver ko sa labas sabi ko huwag siyang aalis.”
May ibinahagi ring kuwento si Joy Sison, ang supervising producer ng pelikula. Kinilabutan daw siya nang may isang kaibigan na nakakita ng ipinost niyang litrato sa social media na kuha sa loob ng sasakyan nila ni Jameson Blake.
“Tatlo lang kami sa van. Sabi ko kay Jameson tabi na lang kami. May sumama raw sa amin na parang babae after ng shoot.
“So sobrang takot na takot kami habang nagbi biyahe. Hindi talaga kami tumitingin sa likod kasi baka pagtingin namin nandu’n sya.
“Bigla kasi nag-text yung ispiritista matapos niyang makita yung picture na post ko. Kasi yata yung multo parang nakita niya na mukhang matutulugan siya ni Jameson,” pahayag pa ni Joy.
Wala naman daw nakakatakot na experience si Kim habang ginagawa ang movie, “Konti lang (natakot) pero siguro ayaw nila sa akin kasi maingay ako. Di ba yung mga multo ayaw sa maingay?
“At saka pag pumupunta ako sa sementeryo nagsusuot ako ng diamonds. Ganu’n ang paniniwala ng mga Chinese para hindi ka lapitan or para lumayo sila,” sabi pa ng Kapamilya actress.
Hindi rin daw nakaranas ng “something scary” si James Blanco sa shooting nila para sa “Bahay” episode na kinunan sa isang lugar sa San Jose del Monte, Bulacan.
Samantala, naniniwala naman si Direk Adolf na mag-eenjoy ang mga mahihilig sa “scream” movies ang mga manonood ng “Huwag Kang Lalabas” na mapapanood na simula sa Pasko, Dec. 25 bilang bahagi ng 2021 MMFF.
“It’s worth the ticket because they’ll see three stories. And three different frightening stories. Each story can be for any member of the family. And they should be ready for the twist in every story,” sey pa ni Direk Adolf.