Manny Pacquiao at Jinkee Pacquiao
MULING ipinagtanggol ng presidential aspirant na si Sen. Manny Pacquiao ang asawang si Jinkee Pacquiao laban sa mga bashers at haters nito sa social media.
Ipinagdiinan ng Pambansang Kamao na hindi nila ipinagyayabang ang kanilang yaman, proud lang silang pamilya na mula sa hirap ay naabot nila ang lahat ng pangarap nila ni Jinkee.
Sabi ng senador at tumatakbo ngang pangulo sa May, 2020 elections, hindi na siya naaapektuhan sa pambabatikos at pangnenega ng mga tao sa asawa niyang si Jinkee.
“Alam n’yo po, hindi naman ako naapektuhan diyan kasi naniniwala kami sa Panginoon. Ang aking asawa lamang po ay hindi naman po talaga mayabang ‘yan, ‘no.
“Nagpu-post siya ng ganyan, hindi naman ipinagmamalaki niya, gusto lang niyang bigyan ng inspirasyon ang ating mga kababayan na magsikap, walang imposible.
“Kasi kami, galing sa pinakamahirap na pamilya. Dahil sa nagsikap, kami ay proud kami na yung mga natamo namin sa buhay, hindi po namin ninakaw ‘yan, pinaghirapan po namin.
“So, marami naman diyan dini-display ang ano nila pero hindi pinaghirapan, ninakaw po sa taong bayan. Mahirap yun,” mariin pang depensa ni Pacquiao sa kanyang misis sa isang panayam.
Patuloy pang pagtatanggol ng senador kay Jinkee na madalas ngang naba-bash dahil sa mga ipino-post na branded stuff sa Instagram, “Kami, hindi naman ipinagmamalaki ‘yan, pero nararapat lang po siguro na sumaya din kami, ma-enjoy namin pinaghirapan namin.
“At yung asawa ko, mahiyain po ‘yan. Humble po masyado ‘yan. Siguro, sinasabi lang maganda dahil yun yung nasuot ng aking asawa, yun ang gusto niyang background.
“Siguro po yung iba, naiinggit, humanap din kayo ng magagandang background, kunyari mansion din yung nasa background ninyo, kunwari mamahalin din yung mga suot niyo, idi-display, ganu’n.
“Pero hindi sinasabi du’n na, ‘Ito ay wala kayong ganito,’ hindi po ganu’n yung asawa ko. Hindi po yun yung ibig sabihin.
“In fact, yung asawa ko po, mabait ‘yan, matulungin, marami rin po ‘yang tinutulungan.
“Hindi lang po namin ina-announce yung mga itinutulong namin dahil labag po ‘yan sa aming paniniwala as Christian, a true Christian.
“Hindi kailangan kung ano ang ginagawa ng kanan ay malalaman ng kaliwa. Ngayon lang po talaga naa-announce yung mga ginagawa ko na sarili kong pera ang gastos na pulitiko na ako,” pahayag pa ng senador.
Kung matatandaan, matinding pambabatikos ang inabot ni Jinkee nang mabalita na umabot sa mahigit P2 million ang OOTD (outfit-of-the-day) na suot nito sa pakikipagbakbakan ni Pacman nitong nagdaang Agosto sa Cuban boxer na si Yordenis Ugas.
https://bandera.inquirer.net/243/jinkee-pacquiao-pinagyayabang-ang-kayamanan
https://bandera.inquirer.net/291624/jinkee-may-bwelta-sa-patutsada-ni-cristy-fermin