McCoy de Leon, Elisse Joson at Baby Felize
PAGIGING praktikal lang ang iniisip ng showbiz couple na sina McCoy de Leon at Elisse Joson kaya isasantabi muna nila ang plano nilang pagpapakasal.
Mas gusto muna nilang ituon ang lahat ng kanilang atensyon at quality time para sa panganay nilang anak na si Baby Felize McKenzie.
“Lagi naming pinag-uusapan ni Elisse yan, pero lagi naming binabanggit sa sarili namin na dapat maging praktikal lang kami. Siyempre, di rin biro ang manganak lalo na ngayong pandemya, kailangang mag-ipon” ang pahayag ng Kapamilya actor sa interview ng ating friend and colleague na si Leo Bukas.
Pagpapatuloy pa niya, “Yung kasal po, siguro soon, wala namang problema doon. Darating din naman tayo doon. Kailangan lang siguro talaga naming paghandaan yun.”
“Saka di naman ako ang sasagot, ako naman ang magtatanong kasi ako yung magpu-propose,” katwiran pa niya.
Sabi pa ni McCoy, nais din niyang maging hands-on daddy sa anak nila ni Elisse habang nagtatrabaho para makapag-provide sa kanyang mag-ina.
“Matinding responsibility yan on my part kaya kailangan kong mas maging masipag,” sabi ng aktor na bibida sa biopic ni Manila Mayor Isko Moreno na may titulong “Yorme.”
Dagdag pang pahayag ni McCoy tungkol sa pagkakaroon ng sariling pamilya, “Masasabi ko lang, masayang-masaya ako sa buhay ko ngayon. Ibang-iba, ibang turning point ito. Kumbaga, nagkaroon lalo ng direksiyon.
“Hindi ko ma-explain yung words, pero ang sarap pala magkaroon ng anak lalo na ng pamilya. Mas lalo kong gustong magpursige sa buhay. Di lang sarili ko ang binubuhay ko, di lang pamilya ko, kapatid o magulang ko.
“May sarili na akong pamilya na bubuhayin ngayon. Dodoblehin ko kung paano ako magtrabaho ngayon. Siyempre, habang nagtatrabaho, mas inspired, mas happy ako sa gagawin ko,” chika pa ng aktor.
Samantala, super excited na rin si McCoy sa darating na Pasko dahil ito ang unang taon nila ni Elisse na makakasama ang kanilang baby.
“Masaya kaming magpa-Pasko. First time namin ni Elisse na mag-Pasko at first time din namin na may anak na mag-Pasko. So, maraming gastos. Ha-hahaha!
“Pero iba talaga. Ibang turning point ng buhay ko ito kaya sa akin, hindi ko palalagpasin ito saka memorable sa akin. Ibibigay ko ang lahat ng happiness sa kanila lalo na ngayong Pasko,” sabi pa ng Kapamilya star.
https://bandera.inquirer.net/296844/mccoy-may-sweet-message-sa-kanyang-mag-ina-gagawin-kong-perpekto-ang-pagmamahal-ko-para-sa-inyo
https://bandera.inquirer.net/286738/mccoy-elisse-nagbalikan-bago-magkapandemya-may-4-na-magic-word-para-sa-ldr