SABI i ng mga matatanda, ang mga hindi matahimik na kaluluwa ay mayroong mensahe para sa mga buhay. May mga nagsasabi naman hindi pa natatapos ang misyon ng namatay kaya nananatili pa sila sa lupa.
Posibleng meron din silang huling habilin na hindi na nila nasabi kaya nagpapakita sila sa kanilang mga kapamilya.
Kaya naman hindi umano natin sila dapat katakutan. Kaya mo ba yun?
Mayroong mga ibinigay na tip ang writer na si Stephen Wagner na nailathala sa About.com kung ano ang mga dapat mong gawin kapag may multo na nagpakita sa iyo.
Huwag Matakot
Parang napakadali sabihin na huwag kang matakot sa multo. Madali siguro itong sabihin pero nakakatakot na gawin. Si-guro ay ordinaryo na matakot ka sa multo.
Ang instinct ng tao ay matakot o lumaban. Kahit na ang mga ghost hunters ay may pagkakataon na natatakot sa kanilang hinahanting.
Bagamat mas maihahanda mo ang iyong sarili kung ang pakay ay maghanap ng multo, iba pa rin kung magugulat ka ng aparisyon lalo na kung nakakatakot ang itsura.
Pero para mabago ang pananaw mo tungkol sa mga multo, siguro ang dapat isiksik sa iyong isip, ito ay isang once-in-a-lifetime experience.
At wag kakalimutan na dahil sila ay kaluluwa, wala na silang pisikal na katawan na maaaring makapanakit sayo. Ika, nga matatakot ka nila pero hindi ka masasaktan.
Makipag-usap
Kung may karanasan ka na sa multo, mas madali siguro na makipag-usap sa kanila. Kung hindi ka na natatakot, mas madali sigurong makipag-usap sa kanila.
At kung magkakaroon ka ng lakas ng loob na harapin sila, maging hinay-hinay sa pakikipag-usap na parang nakikipag-usap ka lang sa buhay.
Sa ganitong paraan, malalaman mo kung ano ang kanyang pakay kung bakit siya nagmumulto. Walang katiyakan kung sasagot ito sa tanong mo, pero at least sinubukan mo.
Litrato
Kung magkataon na may hawak kang kamera kapag may nagpakitang multo sa iyo, kuhanan mo na rin ng picture.
Uso na rin naman ang mga cellphone ngayon na may magandang resolus-yon ng kamera na magagamit mo para magkaroon ng ebidensya sa iyong kakaibang karanasan.
Paalala lang, huwag kang gagamit ng flash at baka masilaw ang multo at umalis. Hindi rin maganda na gumamit ng flash dahil baka wala kang makuhanan kundi puro liwanag.
Mas maganda kung makukuhanan mo ito nang maayos para kung ipakikita sa iba ikaw ay paniwalaan at hindi sabihan na wala na sa katinuan.
At malamang kapag nagpakita sayo ang multo, ito ay sa madilim na lugar kaya wag masyadong ma-galaw ang kamay sa pagkuha ng litrato para hindi mag-blur. Talo sa ganitong sitwasyon ang mga pasmado.
Audio
At siyempre, kung maaari ay samahan mo na rin ng audio recording. Malamang ay meron ding ganitong application ang cellphone mo.
Maaari umanong gamitin ang recording upang maaari mong mapakinggan ng paulit-ulit ang sasabihin sayo ng multo, o yung mga sagot niya sa mga tanong mo.
Sabi ng ilan mahalaga ang recorder sa pakikipag-usap sa multo. Kasi sa panahon na nakikipag- usap ka sa kanya, maaari na wala kang marinig, pero maaaring nairekord umano ito ng iyong recorder.
Magtawag
Kung may tao sa lugar kung saan nagpakita sa iyo ang multo, bakit hindi mo sila tawagin? Huwag lang yung pagulat o pasigaw na tawag dahil baka umalis naman ang multo. Tawagin mo sila nang mahinahon.
Dagdag ebidensya kung hindi lang ikaw ang magsasabi na may multo. The more witnesses, the better, sabi nga sa korte.
Sana lang ay huwag ding matakot ang mga tatawagin mo dahil baka mabulabog ang multo.
Masdan pero huwag dedmahin
Maaaring sandaling panahon lamang magpakita ang multo kaya huwag mong iwanan ang multo. Maging mapagmatyag ka lang sa kung ano ang kanyang ginagawa hanggang sa siya ay mawala.
Pagmasdan ding mabuti ang kanyang itsura ang reaksyon.
Dokument
Kung ikaw ay may diary at isinusulat ang mga nangyayari sa buhay mo, huwag mong kalimutang isulat ang pangyayaring ito.
Kahit na may video, litrato o audio recording ka ng pangyayari, ilista mo pa rin kung saan at kailan ito nangyari.
Huwag mo ring kakalimutang ilagay ang mga bagay katulad nang kung ano ang panahon nang mangyari ito, kung ano ang hawak nito, suot at mga katulad na bagay.
Bumalik
Hindi lamang umano isang beses nagpapakita ang multo. Kaya naman may tyansa ka pa na muling makita ang multo. At kung naisulat mo kung kailan ito nangyari, anong oras, at mga ganitong bagay, bakit hindi mo subukan na bumalik sa ganitong pagkakataon.
Kung sususwertehin ka ay muli kang makakakita ng multo. At baka kung hindi ka niya kinausap noong una, malay mo magsalita na siya ngayon. Baka shy lang siya nung una kaya hindi ka niya kinausap. Kasi kung ayaw ka talaga niya, bakit pa siya mu-ling magpapakita sa iyo?
Larawan hango sa whofortedblog.com