Nakakalungkot ang balita na isang huwes ang pumayag na bumalik sa EDSA ang mga libu-libong provincial buses, lalo na iyong mga nagsara ng kanilang mga bus terminals na karamihan dyan sa Cubao at Pasay.
Kung hindi maaagapan ng Duterte administration, mababalewala lahat ang malalaking pagbabago sa EDSA nitong nakaraang halos dalawang taon. Mawawala ang EDSA Bus carousel system, mawawala ang mga bike lanes at ang matindi, lalabas na naman sa mga service roads ang mga provincial bus na nagpetisyon sa korte.
Sa ngayon kasi, ang mga bus ay hindi nakakapasok sa EDSA. Iyong mga galing sa South ay bumababa diyan sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PTEX) at yun namang mga provincial bus galing ng Norte ay bumababa sa Valenzuela Gateway Complex Integrated Terminal (VGCIT). Parehong lilipat ng “city bus” ang mga pasahero nito papunta sa EDSA Bus Carousell system.
Naging maayos na ang sistema. Kahit mga bus commuters ay kabisado na ang mabilis na biyahe ng mga public buses. Isinara na ang mga bus terminals sa EDSA at nagagamit ng mga motorista ang magkabilang service roads, northbound at southbound , kaya naman umuusad ng husto ang traffic at hindi na siya parking lot.
Pero mawawala ang lahat ng ito, dahil ang pagkakaalam ko na sa linggong darating, inutos ng isang “judge” na pabalikin na ang mga “provincial buses” sa EDSA dahil nawalan daw sila ng hanapbuhay. Pinag-usapan ito nitong nakaraang linggo sa sa IATF, pero mabuti na lamang kumontra sina DILG sec. Eduardo Ano, DOJ Sec. Meynardo Guevarra, lalong lalo na si MMDA Chairman Benhur Abalos. Iyong ibang miyembro ng IATF ay nagsasabi na mahirap awatin ang “court order”, lalot ‘effective ngayong Lunes yata ang naturang order.
At dahil hindi naman miyembro ng IATF ang DOTR at ang LTFRB na nagpasimuno ng EDSA Bus carrousel system, mukhang magkakatalo sa botohan at baka manaig ang “court order” , lalot wala pang TRO “temporary restraining order” upang pigilan ito.
Sa totoo lang, ako’y labis na nagtataka kung bakit parang “itinago” ang isyung ito sa MMDA at sa LTFRB-DOTR. Parang naging biglaan ang order na hindi man lang nakapag-react ang MMDA O DOTR na kontrahin ito sa korte.
At kung magkakatuluyan, tiyak na magkakagulo sa EDSA kapag bumalik ang 4,000 provincial buses dito. Isipin niyo, mababalewala ang napakahusay na mga bus terminals na PTEX sa Paranaque at itong sa Valenzuela gateway terminal. Bukod diyan, bukasan na naman ang mga bus terminal sa EDSA at dahil PASKO, siyempre, buhul buhol na naman ang trapiko dahil sa umuuwi at papaalis na pasahero na may sundo o kaya’y mga taksi at babalagbag na naman sila sa mga service roads.
Sa totoo lang, kaya walang nangyayari sa bansa natin ay dahil sa ganitong lantarang pagbalewala sa mga magaganda at napatunayan nang sistema ng EDSA bus carousel system. Isipin niyo, ang petisyon ng mga may-ari ng 4,000 provincial buses ay nawalan daw sila ng hanapbuhay. Paano naman ang perwisyo natin sa matinding traffic sa EDSA? Sila lang ba ang kawawa kapag inabot na naman ng siyam-siyam sa kalye ang mg commuter at trabahador dahil sa mga naghambalang nilang mga provincial buses? Bakit pansarili lamang ng mga provincial bus operators? Sa totoo lang, perwisyo naman talaga ang kanilang mga bus terminals sa EDSA. Siyempre pinagkakakitaan nila iyan dahil “prime property” yan , hindi lamang sa billboard kundi sa ibang negosyo. Pero, paano naman ang pangkalahatang solusyon sa Metro Manila traffic? Ilang taon na silang nakinabang sa kanilang mga bus terminals na iyan? Ilang taon na rin silang namerwisyo ng mga motorista at commuters?
Babantayan natin ang isyung ito at titingnan natin kung bibigay at papayag itong si DOTR secretary Art Tugade at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte. Nakakahiya, nagtayo kayo ng EDSA Bus Carousel system at nilinis ang EDSA, pagkatapos isang huwes lang ang nag-utos na ibalik ang mga provincial buses, tiklop na kayo.
Abangan ang susunod na kabanata.