Hindi na tayo nagulat nang sabihin ni Mayor Isko Moreno na umaasa ito na siya ang tutulungan at susuportahan ni Pangulong Duterte, matapos sabihin ni Senator Bong Go na kanyang binabawi ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo noong nakaraang linggo. Atin na rin inaasahan ang alok nito kay Duterte na mapabilang ang pangulo sa kanyang senatorial slate sa partidong Aksyon Demokratiko.
Mukang handang gawin ng mayor ng Maynila ang lahat upang manalo at maging pangulo ng bansa sa 2022. Hindi maitatanggi na bumagsak ang kandidatura nito matapos madismaya ang marami sa posisyon nito tungkol sa isyung Duterte, Marcos Sr., Aquino at ang pagbabatikos nito kay VP Leni Robredo. Pinatunayan ito ng presidential survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) noong November 15 kung saan pumangatlo lang ito at nalagpasan na ni VP Leni.
Para sa kampo ni Mayor Isko, ang suporta at pag-endorso ni Duterte ang paraan para mabuhay muli ang kandidatura ng mayor ng Maynila. Hindi na bale ang prinsipyo basta manalo lang. Umaasa ang kampo ng mayor na sa pagsuporta ni Duterte ay makukuha nito ang mga pro-Duterte votes.
Ngunit kung sakaling susuportahan nga ni Duterte si Mayor Isko, hindi rin ito sapat para mapunta ito sa Malacañang. May mga pro-Duterte na maaaring ayaw kay Mayor Isko at nanaisin na lang ibigay ang boto nito kay Marcos o sa kahit kaninong kandidato. Marami ring mga pro-Isko ngunit staunch anti-Duterte na madidismaya sa pag-alyansa ng mayor kay Duterte. Isama na rin natin yung mga disgruntled pro-Duterte o dating pro-Duterte at Diehard Duterte Supporters (DDS) na nagising at natauhan na at ngayon ay sumusuporta sa kandidatura ng mayor ng Maynila. Ang mga ito ay hindi na susuporta kay Mayor Isko at hahanap na lang ng kandidatong iba.
Isa lang ang tiyak kung sakali ngang susuportahan ni Duterte ang kandidatura ni Mayor Isko, ang paghati-hati ng boto ng mga pro-Duterte na maaring makaka-apekto naman sa kandidatura ni dating senator Ferdinand Marcos Jr. Kung noon ay Marcos versus Pangulong Duterte = President Leni, ngayon ay maaaring Marcos versus Isko = President Leni.
Katulad ni Mayor Isko, umaasa pa rin ang anak ng dating diktador ng suporta ni Duterte. Kandidato ni Marcos si Mayor Sara sa pagka bise-presidente kaya para sa kampo ni Marcos nararapat lang na suportahan ng pangulo ang Marcos-Sara tandem.
Kung sinuman ang susuportahan ni Duterte sa dalawa ay magdudulot lang ito ng pagkatalo. Ang endorsement ni Duterte ay isang “kiss of death.” Marami na ang may ayaw sa Pangulo dahil sa palpak nitong pamamahala. Politically, walang maitutulong sa kanila si Duterte. Pabigat pa nga ito sa kanilang kandidatura. Siguro kung mayroon man itong maitutulong ay ang sinasabing saku-sakong pera na ipinangakong ibibigay ng Pangulo sa kanyang kandidato.
Si Marcos man o si Mayor Isko ang susuportahan ni Duterte, kayang talunin ni VP Leni ang sinuman sa kanila sa 2022.
Ngayon lang tayo nakakita at nakaranas sa kasaysayan ng ating politika na ang mga tao mismo ang boluntaryong tumutulong at gumagastos sa kandidatura ng isang kandidato sa pagkapangulo. Ganito ang kalagayan at nangyayari ngayon kay VP Leni na bagamat walang political machinery, walang political party, kulang sa suporta ng malalaking politiko at salat sa pondo at pera upang maglungsad ng isang malawakang political campaign, ay patuloy namang umaakyat paitaas ang kandidatura dahil sa tulong mismo ng mga tao na sumusuporta dito, na ang tanging kagustuhan ay magkaroon ng tunay na pagbabago.
Kung mayroon mang pagkakaiba sa mga supporter ng mga kandidato ngayon sa pagkapangulo, ito ay yung “volunteerism” — mga supporter na handang tumulong sa kanilang kandidato na walang hinihintay na kapalit at kabayaran. Sila yung mga supporter na ang tanging hangad ay magkaroon ng pagbabago at malinis na pamahalaan. Ganito ang mga sumusuporta kay VP Leni. Dito lamang ang VP sa kanyang mga katunggali. Ito ang ikakapanalo ni VP Leni sa pagkapangulo sa May 2022.