TJ Valderrama at Karen Bordador
TULAD ng inaasahan ng madlang pipol, natsugi na nga sina TJ Valderrama at Karen Bordador bilang celebrity housemates sa “Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10.”
Sa naganap na eviction night kahapon, Dec. 5, sina TJ at Karen nga ang nakakuha ng pinakamababang “save votes” mula sa madlang pipol kaya sila ang pinakabagong housemates na napalayas sa Bahay ni Kuya.
Ang dalawa pang nominado sa eviction night na sina Samantha Bernardo at Alexa Ilacad ay mabibigyan pa ng chance na mag-stay sa PBB house.
Nakakuha si TJ ng -03.05% votes sa final tally, habang si Karen naman ay may 16.42%. Nanguna si Alexa sa huling tally with 36.95% at sinundan ni Samantha Bernardo na may 28.03%.
Binansagang “Laughter Lodi ng Manila,” unang nakilala si TJ bilang contestant sa “It’s Showtime” segment na “Funny One.” Nakalabas na rin siya noon sa mga Kapamilya sitcom tulad ng “Home Along Da Riles” at “Basta’t Kasama Kita.”
Bago matanggal sa “PBB”, naging kontrobersyal pa si TJ matapos ma-involved sa isyu ng umano’y sexual harrassment sa loob ng Bahay ni Kuya. Hindi nagustuhan ng ilang manonood ang pagiging sweet niya sa kapwa housemate na si Shanaia Gomez.
Sa official statement ng “PBB” nilinaw nito na walang nagaganap na sexual harassment sa loob ng Bahay kasabay ng pahayag nina TJ ay Shanaia na walang malisya ang kanilang friendship.
Sa panayam kay TJ pagkalabas ng PBB house, inamin niyang nami-miss na niya agad ang mga kapwa housemates, “It has been my honor to cook for you, it has been my pleasure na alagaan kayo at maka-bonding kayo.
“‘Wag niyo kalimutan na maging matatag lang ‘yung loob niyo. It has been great playing with you and against you,” paalala niya sa mga kasamahan.
Samantala, sinabi naman ng model at DJ na si Karen, na tinaguriang “Ang Ms. Brightside ng Makati,” na mami-miss din niya ang mga housemates.
“Hanging out with you guys was the best. You are the newest, closest friends that I have. 2021 has been amazing with you guys. Don’t forget to keep on dreaming and loving each other,” mensahe niya sa mga kasamahan paglabas ng “PBB” house.
Kung matatandaan, noong 2016 ay nahuli si Karen sa isang drug operation at nito lamang June, 2021 ay napawalang-sala siya sa lahat ng kasong isinampa laban sa kanya.
https://bandera.inquirer.net/298421/pbb-binanatan-ng-dyowa-ni-tj-valderrama-the-damage-has-been-done
https://bandera.inquirer.net/299396/pbb-housemates-tj-valderrama-karen-bordador-nagkomprontahan-nagsagutan