Yan Asuncion, Yeng Constantino and family
“FEELING ko kahit lumagpas man ng two years, yung butas sa puso namin na iniwanan ni Mama magiging nandoon lang siya forever.”
Ito ang bahagi ng pahayag ng Kapamilya singer-songwriter na si Yeng Constantino tungkol sa pagpanaw ng kanyang ina habang nakikipaglaban siya sa COVID-19.
Dalawang buwan na ang nakararaan mula nang mamatay ang nanay ni Yeng na si Susan Constantino pero until now ay ramdam na ramdam pa rin niya ang kalungkutan at pangungulila.
Sa vlog ng singer at aktres, ibinahagi ni Yeng ang tinawag niyang “most painful and difficult moment” sa kanyang buhay — ito nga ang pagkakaroon niya at ng asawang si Yan Asuncion ng COVID-19 at ang pagpanaw nga ng pinakamamahal na ina.
“Nu’ng nabalitaan ko na positive ako (sa coronavirus), confused ako kasi maingat talaga kaming mag-asawa.
“Everywhere we go, kapag lalabas kami, meron kaming mask, meron kaming shield. Tapos, lagi kaming may alcohol. At times, talagang super long sleeves. Naka-cap, hoodie, pinoprotektahan talaga namin ang sarili namin,” pahayag ni Yeng.
Kaya talagang hindi nila maisip kung kailan at saan nila nakuha ang killer virus. Kahit na may takot at pangamba, nagpakatatag daw silang mag-asawa at hindi nagpatalo sa anxiety at depression.
Sabi ni Yeng, noong una niyang malaman na positive siya sa COVID-19, medyo hindi pa siya nagpapaapekto para makaiwas sa stress pero habang dumaraan daw ang mga araw ay lumalala raw ang nararamdaman niya.
“Habang lumilipas yung mga araw at nagkakaroon na ako ng ibang symptoms such as nawalan ako ng pang-amoy, yung panlasa ko, parang pumutla.
“Parang doon nag-sink in sa akin na, ‘May COVID nga ako, ‘no?’ And the scariest part for me is yung nagsimula na akong mahirapang huminga,” aniya pa.
At habang nakikipaglaban nga siya sa COVID bigla namang namatay ang nanay niya. Ang tatay niyang si Joselito Constantino ang unang nagsabi sa kanya ng malungkot na balita.
“Habang natutulog kami ni Yan isang madaling araw, nag-ring yung phone. Pagsagot ko, yung tatay ko nasa kabilang end. That was September 23 ng mga 5 a.m.
“Hindi ko pa narinig boses ng tatay ko na ganoon kalungkot, tapos ibinalita niya sa amin na, iyon nga, na wala na si Mama,” lahad ni Yeng sa kanyang vlog.
“Ito yung unang pagkakataon na kailangan kami maging sandalan ng tatay namin. It was only after four days saka ako nakaiyak. Madaling araw din noon.
“Kasi after Mama passed, nagigising ako madaling araw. Nag-aalala ako sa mga kapatid ko, nag-aalala ako sa tatay ko.
“But that particular morning, nag-breakdown lang talaga ako. Sinabi ko kay Yan na, ‘Hindi ko na maririnig boses ng nanay ko,'” naluluhang sabi ng singer-composer.
Sa huling bahagi ng kanyang vlog, naibahagi rin ni Yeng ang pagluluksa sa pagyao ng ina, “May nagsabi sa akin na yung grieving daw, it would take six months to two years before ka talaga maging fully okay.
“Pero ako, feeling ko kahit lumagpas man ng two years, yung butas sa puso namin na iniwanan ni Mama magiging nandoon lang siya forever, kasi no one can replace her.
“Gusto ko lang sabihin na kung may pinagdaraanan kayo, kahit ano man iyan, di kayo nag-iisa. Lalung-lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay, kailangan nating magpakatatag.
“Hindi lang para sa sarili natin, pero para sa mga mahal natin sa buhay. I know they’re watching us and they would want us to live. Kahit mahirap.
“Kaya iyan, keep on going, kahit hindi mabilis, kahit dahan-dahan lang. One step at a time.
“Minsan it would take so much just for you to take a bath or make your own coffee. Kahit slowly, just keep on going,” paalala pa niya sa madlang pipol.
https://bandera.inquirer.net/299023/lagi-kong-tinatanong-noong-bata-ako-mahal-ba-talaga-ako-ni-mama