Viral ‘killer cop’ namatay sa loob ng Bilibid, ‘foul play’ iniimbestigahan na

Jonel Nuezca

PATAY na ang dating pulis na si Jonel Nuezca na nakulong matapos patayin ang mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio noong Dec. 20, 2020. 
 
Ito ang kinumpirma ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag kahapon, Nov. 30 sa isang official statement.

Si ex-Police Staff Sergeant Jonel Nuezca ang walang-awang pumatay sa mag-inang Gregorio sa harap ng kanilang tahanan sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac.

Kung matatandaan, nitong nagdaang Agoso lamang nahatulan ang tinaguriang killer cop ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakulong dahil sa ginawang krimen.

Ayon kay Chaclag, 6:44 p.m. nitong Martes, ideklarang patay si Nuezca. Kasalukuyang sumasailalim sa autopsy ang bangkay ng dating pulis para matukoy ang tunay na dahilan ng kamatayan nito.

Sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng Bureau of Corrections, bigla na lang natumba at nawalan ng malay ang dating pulis habang naglalakad sa labas ng dormitory building ng New Bilibid Prison.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga otoridad ang pagkamatay ni Nuezca para alamin kung may naganap na foul play sa insidente.

Naging national issue ang nasabing kaso nang kumalat sa social media ang video kung saan makikita ang pamamaril ni Nuezca sa mag-inang biktima. Nagsimula lamang ito sa pagtatalo ng dalawang kampo dahil sa naging away nila sa right of way.

Sa kabila ng pagmamakaawa ng mga kaanak ng mag-ina pati na ng kanilang mga kapitbahay ay binaril pa rin ni Nuezca ang mag-ina. Ito’y nasaksihan din ng menor de edad na anak ng pulis na dinig na dinig sa video ang pagsigaw ng, “My father is a policeman!” 

Matapos ang ilang buwang pagdinig ng korte sa kaso, hinatulan ni Judge Stella Marie Gandia-Asuncion ng Branch 106 ng Paniqui Tarlac Regional Trial Court ng habambuhay na pagkakakulong at pagbabayad ng P952,560 danyos sa pamilyang naulila ng mga biktima.

Read more...