Ben&Ben
NAGING emosyonal ang OPM group na Ben&Ben nang matanggap ang kanilang mga parangal mula sa 34th Awit Awards.
Talagang nag-post sa kanilang social media accounts ang grupo para ibandera ang abot-langit na pasasalamat nila sa apat na parangal na natanggap sa taunang Awit Awards.
Nag-post pa ang Ben&Ben sa kanilang Facebook page kung saan hinikayat pa niya ang madlang pipol para huwag sumuko sa buhay at ipagpatuloy lamang ang pag-abot sa kanilang mga pangarap
“We just won 4 big Awit Awards last night. Malayong pangarap lang namin ito noon. Pero itong post na ito, tungkol sa pangarap mo. Hindi madali ang daan patungo sa pangarap.
“Ang daming lubak. Ang dami mong pawis at dugo na iaalay. Ang daming mga gabing iiyakan, mga panahong muntik mo nang sukuan,” bahagi ng mensahe ng grupo.
“Pag dumarating ka sa moment na yun, tandaan mo lang ito. Balikan kung bakit ba nagsimula, bago mo sabihin na ayaw mo na. Magpatuloy ka para sa mga mahal mo sa buhay.
“Magpatuloy ka para sa lahat ng naniniwala sa’yo. Magpatuloy ka bilang pagmamahal at respeto para sa sarili mo. Higit sa lahat, magpatuloy ka dahil kakampi mo ang Diyos sa pag-abot ng pangarap mo.
“Tapos, kahit dahan-dahan, hahakbang kang muli. Aahon kang muli. Lalangoy kang muli. Babangon kang muli,” pahayag pa ng Ben&Ben.
Inialay din nila ang kanilang award sa lahat ng mga Filipinong nangangarap, “Sa lahat ng mga pasuko na sa kanilang mga pangarap, para sainyo ‘to.
“Sana magsilbing inspirasyon na balang araw, makamit mo rin lahat ng mga pinaghihirapan mong pangarap,” mensahe pa ng grupo kasabay ng pangakong patuloy silang gagawa ng mga kanta para sa sambayanang Filipino.
“Sulit lahat ng dugo’t pawis namin dito, Liwanag, dahil para sa ‘min, kayo ang aming dahilan. Patuloy kaming magsusulat ng mga awiting mula sa buhay namin, para samahan kayo sa iba’t iba mong karanasan sa buhay.
“Kayo ang aming Liwanag. We’re with you in your journey, in your failures, and in your successes. Keep going,” anila pa.
Natanggap na Ben&Ben ang Record of the Year para sa kanta nilang “Di Ka Sayang,” Most Streamed Artist at Best Ballad Recording for “Sa Susunod na Habang Buhay,” at Best Inspirational Recording for “Di Ka Sayang” sa 34th Awit Awards.
https://bandera.inquirer.net/299162/moira-benben-humakot-ng-tropeo-sa-2021-awit-awards-paubaya-waging-song-of-the-year
https://bandera.inquirer.net/287274/benben-todo-papuri-sa-sb19-mga-totoo-silang-tao-saludo-kami-sa-inyo