NAGKAMALI ng pagtantiya ang Malacanang kay Chairman Nur Misuari, o sa mga kumander niya. Dinedma nila ang kanyang asembliya at deklarasyon ng kalayaan. Maaaring iba na ang pananaw ng ilan at dating niyang kaalyado sa kanyang ipinaglalaban.
Pero, kahit isang kumander na lang ang naniniwala sa kanya ay malala pa ang kamandag niyan at asong nangangagat pa iyan.
Ayon sa militar, dalawang barangay lang ang pinagkutaan ng tropang Moro National Liberation Front. Pero, ayon sa dalawang Bandera readers, lima o anim na barangay na ang nilimliman sa loob ng tatlong araw ng tropang MNLF. Kung dalawang barangay lang ang kontrolado ng MNLF, bakit tumagal ang pakikipaglaban ng militar? Mauulit na naman ba ang insidente sa Camp Cawa-Cawa?
Nasa eksena na naman si Interior Secretary Mar Roxas. Pero, hanggang picture-picture lang ang nangyayari. Wala siyang ipinatutupad na plano o kautusan; o sariling hakbang. Puro monitor lang ng putukan. Nangangasiwa na rin ba siya ng pagpapakain sa sports complex? Di ba’t trabaho iyan ng DSWD, kaya naroon si Secretary Dinky Soliman?
Napakaraming tanong ang media habang tumatagal ang girian. Sinong pangunahing opisyal ng militar ang pumipigil sa paglala ng situwasyon? May karanasan ba ito sa bakbakan sa kalunsuran? Kasi, ganyan ang nangyari sa mga kudeta ni Gringo Honasan sa Metro Manila noong panahon ni Cory Aquino.
Lumipas ang Agosto 28 na wala nang nakaaalala sa pamamaril ng tropa ni Honasan sa Sampaloc, Maynila, na ikinamatay ng fotog ng Ang Pilipino Ngayon at ikinasugat ng driver ng news cruiser ng Manila Times.
May mga sibilyan ding namatay, kabilang ang pobreng matandang magbabalut sa may Nagtahan.
Bakit nahihirapan ang Malacanang na tawagan si Misuari, gayung napakadaling gawin ito ni Davao City Mayor Rody Duterte? May problema ba?
Dahil sa alingawngaw lang ng malalakas na kalibre ng armas sa Zamboanga City, nakamasid ang Moro Islamic Liberation Front. Nakabitin ang pangako ng Ikalawang Aquino na maging ganap ang Bangsamoro.
Nangangamba ang middle class sa Zamboanga City, Iligan City at General Santos City na paano kung ang MILF naman ang manggulo? Nariyan pa rin ang banta ng Bangsamoro freedom fighters at ang grupo na binuo ni Umbra Kato.
Mapatahimik man ang maraming grupo ng MNLF, paano naman ang mga grupong ito? Natatakot sila sa maaaring gawin ng MILF kapag napagtanto nila na pinangakuan lamang sila.
Malikot ang isip ng politiko mula sa Metro Manila nang lumabas sa mga pahayagan ang retrato ni Kris Aquino na sumakay sa MRT.
Ang interes ay nasa MRT daw. Itataas ang presyo ng pasahe sa MRT at napabalita pa ang ate at bayaw ni Kris na kumokopo raw ng supply contracts (ikinaila ito ng ate ni Kris, pero hindi tinatantanan ng isang dating opisyal ng gobyerno).
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Anuvayan. Napuputol ang signal ng Globe dito sa General Santos City, lalo na ang broadband. Ang load ko na P120 ay sandali lang. Ninanakawan na ako ng Globe. …2344, Barangay Upper Labay.
Sir Lito, ako’y negosyante at residente ng Scout Fuentebella, Barangay Sacred Heart, Quezon City. Nagbabayad ako ng tamang buwis.
Pero, bakit kapag malakas ang ulan sa aming barangay at sa Kamuning ay nawawala ang mga enforcer ng MMDA at City Hall? Dapat ay hinaharang o pinaliliko na nila ang mga sasakyan na patungo sa baha.
Pati ang mga tanod ay nawawala rin. Bakit asin ang sinusuwelduhan ng taumbayan at hindi tunay na tao? …8321
Puwede na nating murahin sa dyaryo ang magnanakaw na mga senador at kongresista: porky ng ina ninyo. …6021