Rich Asuncion, Benjamin Mudie at Isabella Brie
IN FAIRNESS, kahit nasa Australia na ay talagang hindi pa rin nalilimutan ng Kapuso actress na si Rich Asuncion ang mundo ng showbiz.
Masayang ibinalita ni Rich sa kanyang Filipino fans at social media followers na muli siyang nabigyan ng chance na “umarte” sa harap ng mga camera.
Pero hindi raw ito para sa isang serye o pelikula na ginagawa sa Australia, ito’y nangyari sa ginawa niyang commercial kasama ang asawang si Benjamin Mudie at anak na si Isabella Brie.
Ang tinutukoy ng aktres at dating beauty queen ay commercial para sa Emergency Services Agency of the Australian Capital Territory o ang ACT.
Ipinost ni Rich sa kanyang Instagram account ang video clip ng nasabing ad at nilagyan ng caption na, “Out of all the opportunities Australia has offered me in entertainment, this one takes the cake.”
Sabi pa ng Kapuso star, napakaespesyal para sa kanya ng ginawang proyekto dahil nakasama rin niya ang asawa at anak.
“It’s great to be back in front of the camera again,” sabi pa ni Rich gamit ang hashtag #BuhayArtista.
Huling napanood ang celebrity mom sa Pinoy version ng Korean hit series na “Descendants of the Sun” na pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado.
Nagdesisyon si Rich na iwan na ang showbiz at ang Pilipinas para magsimula ng panibagong buhay sa Australia noong 2020 kasama ang sarili niyang pamilya.
Ayon sa isang IG post ng aktres, maituturing daw niya itong “one of the best decisions” sa kanyang buhay.
“Leaving everything behind to face all the uncertainties wasn’t an easy feat. Pero dahil kasama ang pamilya, mas naging matibay at matatag.
“Now, I can honestly say I am content and happy with this new life away from the limelight. A new career, new adventures, new hope!” pahayag ni Rich sa kanyang Instagram message noong Marso.
Ibinandera rin niya na nagtatrabaho siya bilang waitress sa Australia at nag-enroll din sa online class para makakuha ng degree sa Early Childhood Education and Care.
“Part pa rin naman siya ng Tourism course na kinuha ko sa U.P. at wala akong karapatan mag-inarte kasi nabigyan ako ng panibagong chance to start anew.
“To be able to survive through this is already a blessing. As hard as it may seem, look for the silver lining. Hold on, and say, ‘I am still a champion,’” aniya pa.
Nito lang nagdaang September, ibinalita rin ni Rich na magkakaroon na sila ni Benjamin ng baby number two. “Here we go again,” ang caption ng aktres sa kanyang IG photo kung saan ipinasilip niya ang kanyang baby bump.