Robin super proud kay Kylie: Nakagawa ako ng action star na hindi fake, totoong nanggugulpi at tumatambling

Kylie Padilla at Robin Padilla

TUMIGIL talaga sa pag-aaral noon ang Kapuso actress na si Kylie Padilla para karirin ang fighters training sa Thailand.

Isa ito sa mga naibahagi ng estranged wife ni Aljur Abrenica sa bago niyang vlog sa YouTube kung saan nakasama nga niya ang amang si Robin Padilla.

Maraming napagkuwentuhan ang mag-ama sa nasabing vlog, kabilang na ang naging buhay niya noong kanyang kabataan kasama ang mga kapatid. Ani Kylie, napakarami niyang natutunan kay Binoe na hanggang ngayon ay talagang pinanghahawakan pa rin niya.

Sa isang bahagi ng vlog, ipinakita ni Kylie ang ilang never before seen home videos kung saan makikitang nagso-sword training sina Kylie at Robin.

Kahit babae, tanggap daw ni Kylie ang kakaibang style ng pagpapalaki sa kanya ni Robin pati na ng nanay niyang si Liezel Sicangco, kabilang na riyan ang pagpapadala ni Robin sa kanilang magkakapatid sa Thailand para sa martial arts training.

“Kapag binabalikan ko po ‘yun, parang hindi nga siya normal. Pero sa akin kasi parang normal lang, eh. I stopped school tapos fighters training. Iba pala talaga,” ani Kylie.

Para naman kay Binoe, ang proudest moment niya bilang tatay ni Kylie ay nang makasama niya ito sa isang action-drama-fantasy series ng GMA 7.

“Ako sa’ yo, Joaquin Bordado ‘yun. Pinakamasaya ako doon. Fulfilled na ako noon. Boundary na ‘ko. Boundary na ‘ko sa’ yo noon,” pahayag ni Robin.

“Ang taas ng rating noon, ah. Dahil sa ‘yo! Ikaw ang inaabangan doon. Hindi nga! Hanggang ngayon kapag pinag-uusapan ‘yun sa Channel 7, si Erenea (Kylie) pa rin,” sey pa ni Robin.


Sey pa ng action star, “Kasi creation kita kaya ako proud. Kaya kong mag-create ng action star. Nakagawa ako, hindi fake. Ang daming action star ngayon pekenese.

“Ikaw totoo. Totoong nanggugulpi, totoong tumatambling, totoong sumasabit. Lahat totoo. Proud ako doon,” chika pa ng tatay ni Kylie.
Samantala, nabanggit din ni Robin sa vlog ni Kylie na hindi siya nagsisisi na maaga siyang nagkaroon ng mga anak. Itinuturing pa nga raw niyang kayamanan sina Kylie.

Super agree naman dito si Kylie na tulad ng ama ay maaga ring nagpakasal at nagkaanak, “I feel the same, Pa, noong nabuntis ako. I feel like nagtatrabaho ako pero hindi ko alam kung saan ko siya ilalagay.

“Noong nagkaanak ako and nagulat ako, nagulat kami, but may purpose na kung bakit ako nagtatrabaho. May purpose na ‘yung buhay ko, hindi lang ‘yung puro ako, ako, ako lang. 

“Naiintindihan ko po kayo sa sinasabi niyo na it’s timely and ginawa talaga ni God na mangyari ‘yun,” kuwento pa ng aktres.

https://bandera.inquirer.net/298805/kylie-naiyak-nang-tanungin-ni-robin-so-wala-ba-talagang-pag-asa
https://bandera.inquirer.net/298928/robin-inalala-ang-buhay-preso-sa-vlog-ni-kylie-yun-yung-best-days-namin-ng-mama-mo-yung-nakakulong-ako

Read more...